Campus

UAAP: ABADIANO, TAMAYO DAGDAG-LAKAS SA UP FIGHTING MAROONS

/ 4 August 2020

KUMPIRMADO na ang pagpasok nina dating National University Bullpups Gerry Abadiano at Carl Tamayo sa University of the Philippines Fighting Maroons basketball team sa University Athletics Association of the Philippines sa susunod na taon.

Ayon sa team manager ng UP na si Agaton Uvero, magiging malaking karagdagan sa lakas ng Fighting Maroons ang puwersa nina Abadiano at Tamayo dahil lima sa kasalukuyang manlalaro ng koponan ay mayroon na lamang isang taon sa UAAP habang anim nilang malalakas na players ang nagtapos noong nakaraang taon.

Ayon sa dalawa, nagpasiya silang lumipat ng pamantasan dahil ‘dream school’ nila ang UP sa larangan ng palakasan at sa dekalibreng edukasyon.

Batay sa mga ulat, si Abadiano ay mag-e-enroll sa kursong Tourism at sa Sports Science naman si Tamayo.

Inaasahan ni coach Bo Perasol na sa pagpasok ng dalawa ay ganap na nilang makakamit ang tagumpay.

Makakasama nina Abadiano at Tamayo bilang UP rookies sina RC Calimag, Alonso Tan at Miguel Tan mula sa Gilas PilipinasYouth at sSam Dowd, Anton Eusebio at Ethan Kirkness.