Campus

TUP STUDENTS PUMALAG SA ONLINE USG ELECTIONS

/ 27 September 2020

HINDI pabor ang ilang estudyante  ng Technological University of the Philippines sa gagawing online elections ng Office of Student Affairs at Commission on Student Elections sa susunod na buwan upang mapalitan ang mga opisyal ng University Student Governent ng unibersidad.

Base sa resulta ng online poll ng Rise for Education Alliance-TUP, tutol sa pagkakaroon ng online elections ang karamihan ng mga estudyante dahil bukod sa hindi lahat ng estudyante ay may access sa internet, divisive din umano ito.

Bukod sa mga nabanggit, pinangangambahan din ang pagkakaroon ng dayaan dahil bago ang magiging pamamaraan ng eleksiyon.

Matatandaang binawalan ng OSA ang USG na mag-post ng kahit ano sa social media, lalo na kung walang pahintulot ng opisina, matapos nilang kondenahin  ang umano’y  ‘pekeng’ konsultasiyon sa mga estudyante ukol sa plano ng administrasyon na handbook revision.

Pinaingay naman ng mga estudyante  ang #StopStudentRepression, #UpholdDemocraticRights, #DefendAcademicFreedom sa social media upang batikusin ang nasabing balak na eleksiyon ng mga opisina.

Samantala, nag-abiso rin ang TUP na ihihinto muna ang synchronous classes sa paaralan upang magbigay-daan sa emergency maintenance ng mga internet provider na tatagal hanggang Setyembre 30.