THE OTHER SIDE OF LEARNERS ROARING VOICE: “NO TO ACADEMIC FREEZE”
UMALMA ang isang grupo ng mga mag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines sa panawagang ‘academic freeze’ sa kadahilanang hindi umano ito ang solusyon sa mga hamon ng mga estudyante at mga guro sa paparating na pagbubukas ng klase.
Ayon sa Sandigan ng mga Mag-aaral para sa Sambayanan PUP, isang organisasyong pampolitikal sa loob ng unibersidad, ang mga estudyante lamang ang higit na makikinabang sa panawagang ito dahil maaaring mawalan ng trabaho ang mga guro at iba pang tauhan ng paaralan kung itutuloy ito.
“Pagdating sa #AcademicFreezeNOW, mas eksklusibo ang panawagan para sa mga estudyante na hindi kayang makahabol sa mga aralin sa pamamagitan ng online class ngunit mawawalan ng trabaho ang mga guro at staff ng paaralan kapag naisakatuparan ito kung kaya nagbabanggaan ang sektor ng mga estudyante at sektor ng guro at manggagawa pagdating sa panawagang ito,” wika ng grupo.
Maraming estudyante ang nagbahagi ng kanilang saloobin sa social media ukol sa bagong sistema ng pag-aaral dahil sa pandemya. Ayon sa mga estudyante, wala silang natutunan sa bagong sistema.
Sinabi ng SAMASA PUP na mayroon pang ibang paraan para masolusyunan ang kinahaharap na problema na pawang makatutulong sa mga estudyante at mga guro.
“Kung titingnan ang panawagan para sa #LigtasNaBalikEskwela, mas inklusibo ito dahil natutugunan nito ang pangangailangan ng mga estudyante, kaguruan, mga staff, at maging ang mga sektor na kaugnay nito,” sabi ng grupo.
Idinagdag nito na mas mabisa kung ibabalik na lamang ang tradisyunal na sistema ng eduksayon, ang face-to-face classes. Ngunit bago ito maisukatuparan, kinakailangang magkaroon ng ‘mass testing’ at kailangan ding sundin ang mahigpit na health guidelines sa loob ng paaralan.
Ayon sa grupo, maaaring gawing inspirasyon ang mga bansang New Zealand, South Korea, Thailand, at Vietnam na nagpatupad ng mass testing at napababa ang bilang ng kanilang kaso ng Covid19 kaya nagkaroon ng ligtas na balik- eskuwela ang mga estudyante.
Kung maisasakatuparan ang academic freeze, ayon pa sa grupo, hindi masisingil ang administrasyong Duterte sa mabagal umano nitong aksiyon sa pagkontrol ng pagkalat ng Covid19 na nagresulta sa pag-usbong ng magastos na online classes.
Nauna nang inilunsad ng SAMASA PUP ang kanilang kampanyang “10 PUP demands” para sa ligtas na balik-eskuwela sa pamantasan.
Magsisimula ang klase sa PUP sa Oktubre 5, 2020 gamit ang bagong distant learning scheme na tinawag na “Flexible Technology-Enhanced Learning”.