TESDA NAMAHAGI NG SOLAR PANELS SA KANKANAEY COMMUNITY
MAY 25 Kankanaey sa Sapdaan Village, Santol, La Union ang nakatanggap ng solar panels mula sa Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster ng Technical Education and Skills Development Authority noong Pebrero 5.
Sila ay mga iskolar ng TESDA La Union Community-Based Technical-Vocational Training na nakatutok sa installation at maintenance ng mga solar-powered lighting system.
Para tuluyan nilang mapraktis ang bagong kaalaman at magkaroon ng suplay ng koryente sa komunidad kaya solar panels ang regalo ng TESDA sa mga nagsipagtapos sa programa.
Gayundin, sila ay sumailalim sa samu’t saring workshop upang mapaunlad ang angking kakayahan at makahanap ng sustenableng hanapbuhay at negosyo.
Ayon kay TESDA La Union Director Elpidio Mamaril Jr., layon ng programa na maabot ang malalayong nayon at matulungan sila sa mga gawaing pampagpapaunlad.
“Part ito ng scholarship program ng Special Training for Employment Program. When they are given necessary skills ay magamit nila kapag binigyan sila ng gamit para makapagsimula rin ng maliit na negosyo,” sabi ni Mamaril sa isang panayam.
Nagpasalamat naman si Mayor Magno Wailan sa inisyatibang ito ng ahensiya.
“Iyong ibang nag-training din noon, may mga trabaho na ngayon. Maraming salamat sa pagdadala ng mga ganitong programa dito sa aming bayan.”