Campus

TEACHERS BUMIBILI NG ‘READY-MADE’ RESEARCH PARA SA PROMOTION?

/ 21 January 2021

KUMAKALAT ngayon sa social media ang pumpon ng screenshots mula sa ‘di pinangalanang mga guro hinggil sa umano’y pagbili nila ng ‘ready-made’ action research papers upang magkaroon ng promotion points at funding.

Sa public Facebook post ni Leezl Campoamor Olegario, sinabi niya na, “It seems that there are teachers who simply buy ready-made action research papers or pay people to do their action research for funding and promotion purposes.”

“I go for collaborative research, but based on what I learned from the teachers, individual research papers are preferred (?) or get more points (?) for promotion,” dagdag pa niya.

Lakip nito ang ilan sa mga natanggap niyang mensahe gaya ng isang mula sa DepEd Misamis, “Pila ang magpagawa po?” na tumutukoy sa pagpapagawa ng action research bilang kahingian sa rank promotion.

Ang ilan ay mula sa Palawan State University, Northwest Samar State University, at DepEd Banaue Division of Ifugao na may mga parehong tanong kung si Olegario ba’y gumagawa ng research sapagkat handa silang ‘bumili’ o ‘magbayad’ para rito.

May isa pang lantad na katanungan mula sa isang guro, Teacher I ng Labo National High School, mag-aaral ng La Salle University – Ozamiz, “Hello po, meron kayong [ready-made] Action Research or Basic Research?”

Action Research sa DepEd

Isa sa mga mandato ng Department of Education, ayon sa Republic Act 9155 o Governance of Basic Education Act of 2001, ang pagpapatupad ng mga polisiya at programang tutugon sa pangangailangang magkaroon ng pambansang pananaliksik at pag-aaral upang lalong mapataas ang kalidad ng edukasyon ng mga Filipino.

Gayundin, sa Republic Act 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013, may tiyak na prinsipyong nakaatang sa DepEd hinggil sa naturan.

“The DepEd shall adhere to the following standards and principles in developing the enhanced basic education curriculum…the curriculum shall be relevant, responsive, and research-based.”

Sa tuwina’y inaasahan ang mga Schools Division Office na magsumite ng mga aksiyong pananaliksik upang mapabuti ang pamamaraang pampagtuturo at pampagkatuto sa buong sangay o rehiyon.

Katunayan nga’y mayroong tinatawag na Basic Education Research Fund – “the grant provided by the DepEd to support education research in aid of evidence-based policy formulation.”

Ipinaliwanag sa DepEd Order 4, s. 2016 na ang BERF ay magagamit sa utilisasyon at oryentasyon “on the use of research funds and meetings of Regional Research Committees.”

Prayoridad sa pananaliksik ang apat na larangang Teaching and Learning, Child Protection, Human Resource Development, at Governance.

Sa lebel naman ng kaguruan, malaki ang puntos ng action research para makapagpataas ng ranggo, gaya ng nakasaad sa Revised Guidelines on the Appointment and Promotion of Teaching, Other Teaching-Related, and Non-Teaching Related Positions.

Sa hanay ng outstanding accomplishments (20 points) ispesipikong nakasulat ang research and development projects (action research conducted in the school, district, division level) at publication/authorship (articles published in a journal/newspaper/magazine of wide circulation, authorship of a book).

Kung nais ng gurong mag-aplay ng promosyon, mas malaki ang pagkakataon niyang makatanggap ng aprubal kung may mga patunay ng paglilimbag ng mga pananaliksik sa paaralan man o sangay. Mas matatag ang dokumento kung ang isusumite nito’y libro na siya mismo ang may-akda.

Suliranin Pampananaliksik ng mga Guro

Mayroong serye ng aktibidad ang DepEd upang matulungan ang mga guro sa kanilang pananaliksik. Isa rito ang 2020 Research O’Clock, ang forum na nagpapaliwanag ng samu’t saring kasangkapang maaaring gamitin ng mga guro sa pagkompleto ng mga aksiyong pananaliksik.

“The forum primarily seeks to promote the use of research results and evidence in decision-making, program designing and implementation, plan formulation, and adjustment.

“Specifically, it aims to promote open discussions and continuous learning experiences for education leaders, researchers, policy makers, and educators in the basic education sector,” paliwanag sa DepEd Memo 24, s. 2020.

Subalit sa likod ng mga programa at palihan ay lumulutang pa rin ang mga gurong walang sapat na kaalaman at kakayahang makabuo ng pananaliksik.

At gaya ng kumakalat ngayon sa social media, ‘bumibili’ pa ng ready-made research nang mapunan ang mandatong sa kanila ng DepEd Central at SDO.

Isang komentor ang nagpahayag ng kanyang saloobin hinggil dito.

Ayon kay Mavs Arcos, “It’s partly the system to blame for that, although it’s true that teachers should not be doing this. In these instances, I imagine my mother who is a public-school teacher, swamped with [paperwork] and paano if she will still be required to do AR? Saan kukuha ng panahon iyon?”

Susog pa ni Solomon Martinez, “mga public school [teachers] [ay] overworked na.”

Patong-patong ang responsibilidad ng mga guro lalo ngayong panahon ng pandemya. Bukod sa pagtapos ng modules ay inaasahan ding kinukumusta nila ang daan-daang mag-aaral na kanilang tinuturuan. Binibisita pa sa malalayong nayon ang iba. Kung mamandatuhan pang magpasa ng pananaliksik ay tila wala na silang oras para tutukan ang mahaba nitong proseso, magkagayo’y naghahanap ng mapagbibilhan ng maisusumiteng papel.

Dagdag na suliranin maging ang sa Continuing Professional Development units na gaya ng sa isyu ng action research ay ‘binibili’ rin upang magkaroon ng dagdag kredensiyal.

“In line with buying something for their added credentials, some teachers just buy 90 CPD units for P500 for their license renewal and it is advertised online… Walang pinagkaiba sa mga nagpapagawa ng certificate sa Recto,” komento ni Danilo Tuazon.

Sa huli, iniwang pabatid ni Olegario sa Facebook, “the teachers also need to be equipped and making them attend seminars is not enough.”

Mayroong malalim na suliraning lakip ang naturang ‘research buy and sell’ at pinananawagan ng mga netizen na ito’y matutukan ng DepEd sa lalong madaling panahon.

Sundan ang trending post dito: https://www.facebook.com/LeezlCO/posts/10157518065536671.