Campus

TEACHER NERIZA: BAYANING GURO SA UST SENIOR HIGH SCHOOL

/ 22 September 2020

HINDI lamang mga mag-aaral ang nadarang sa biglaan at mahirap na adjustment ngayong akademikong taon – mga guro rin.

Bago pa man magsimula ang klase sa mga pamantasan, ang mga guro ay nakikipagbuno na sa paggawa ng mga course site, learning plan, at iba pang kagamitang makasisigurong magiging maalwa ang karanasang pampagkatuto ng mga mag-aaral.

Isa si Neriza Constantino-Pesigan sa mga bayaning guro na nakikipagbuno sa distance online learning. Si Pesigan, kilala sa tawag na ‘Ginang’, ang kasalukuyang Subject Area Lead Teacher ng Kagawaran ng Filipino sa Unibersidad ng Santo Tomas – Senior High School. Pinamamahalaan niya ang halos 15 guro ng Filipino, Wika, at Pananaliksik, kasama ng aabot sa 300 mag-aaral na araw-araw ginagabayan sa bagong modalidad ng edukasyon.

Sa panayam sa kaniya ng Facebook Channel na King and I, ibinahagi niya ang mga hamon at dagok na nararanasan bilang guro sa Filipino habang binibigyang-diin ang saklaw ng ‘adjustments’ sa UST.

Sinariwa ni Pesigan ang dagling pagbabago nang magsimula ang kwarentena noong Marso. Sinabi niya na lahat ay nawindang at hindi inaasahang iyon na pala ang huling pasok nila sa eskuwelahan. Maraming agam-agam, maraming gamit na naiwan, maraming alalahanin pero sinabi niyang hindi nawaglit sa kaniyang isipang unahin ang kapakanan ng mga mag-aaral.

Sang-ayon sa patakaran ng UST SHS, ‘in-progress’ ang naging marka ng mga mag- aaral na naabutan ng kwarentena sapagkat hindi natapos ang semestre. Hanggang Disyembre 2020 ang ibinigay na palugit ng paaralan para makumpleto ang mga kahingian.

Sa pagsisimula naman ng bagong akademikong taon, ayon kay Pesigan, ay nanatili ang pagiging learner-centric ng UST, partikular sa kagawarang kaniyang pinamumunuan. Pinananatili nila ang academic excellence nang hindi winawaglit sa isipang nahaharap ang buong Filipinas sa isang krisis-pangkalusugan.

Bagaman may sariling pamilyang inaalagaan, tinitiyak niyang mayroon siyang sapat na oras para kumustahin ang mga kasamahang guro, higit ang mga mag- aaral na kaniyang tinuturuan. Para sa kanya, bata ang una sa lahat.

“Iyong puso ng guro, mas lumambot ngayon kumpara noong face-to-face kasi mas nakikita mo sila batay sa kung paano nila kinukuwento ang sarili nila,” pagbabahagi ni Pesigan sa King and I interview.

Pabatid ni Pesigan sa wakas ng panayam, upang maging matagumpay ang online class, nararapat na magkaisa ang guro at ang mga estudyante.

“Ang kalidad ng pagtuturo ay nasa puso ng guro – wala sa edad, wala sa natapos. At iyong kawilihan namang matuto, iyong bukas na puso ng mga estudyante ang susi rito,” sabi pa niya.

Maaari pang mapanood ang buong episode ng King & I kasama si Ginang Pesigan sa https://www.facebook.com/ChrisKingAndIan/videos/823030011860291. Bahagi ito ng serye ng usaping kahandaan sa online classes.