SUPORTA NI NANAY MALAKING TULONG SA DISTANCE LEARNING
IBA’T IBANG uri ng suporta ang ibinigay ni Ginang Hazel Sarto ng Cainta, Rizal sa kanyang tatlong anak na babae upang hindi sila panghinaan ng loob na tapusin ang kanilang pag-aaral.
1st Anniversary Special Report
IBA’T IBANG uri ng suporta ang ibinigay ni Ginang Hazel Sarto ng Cainta, Rizal sa kanyang tatlong anak na babae upang hindi sila panghinaan ng loob na tapusin ang kanilang pag-aaral.
Bukas sa pagbabago si Gng. Sarto ngunit alam niyang hindi magiging madali ang tatahakin niya at ng kanyang mga anak nang ianunsiyo ng Department of Education na magpapatuloy ang eskuwela sa pamamagitan ng distance learning.
Sa panayam ng The Post, sinabi ng ginang na puspos ang kanyang suporta sa mga anak na sina Haj, Mica at Heart upang maengganyo ang mga itong mag-aral sa kabila ng malaking hamon ang online learning.
“Naalala ko si bunso, she is 15 years old, Grade 9. One week pa lang ang online class noon, nang lumapit siyang umiiyak. Hindi raw niya kaya ang online class dahil napakaraming pinapagawa ang mga teacher. Research, assignments, group tasks. Sobrang hirap from 9 a.m. to 4 p.m. ang class niya, then, magre-research pa siya until 10 p.m.,” kuwento ni Sarto.
Upang tulungan ang anak, nakipag-ugnayan ang ginang sa guro nito. Pinanatili rin niyang bukas ang linya ng komunikasyon sa pagitan niya at ng paaralan ng mga bata.
“I reach out to the school, since new normal ang ating online schooling, nag-adjust din sila through parents feedback. That’s how I support my kids through online class. I make it a point na ma-address ‘yung mga hinaing nila, ‘yung walang humpay na research works,” kuwento pa ni Gng. Sarto.
Malaking tulong din ang paglikha niya ng isang espasyo na laan lamang sa pag-aaral ng mga bata.
“I gave my kids their own space sa house, parang may office sa bahay, may 2 tables akong in-arrange para comfortable sila sa pag-aaral. Walang manonod ng TV sa sala ‘pag may online class ang mga bata. Minimize noise so they could concentrate,” ayon pa kay Ginang Sarto.
Nagbunga rin naman ang lahat ng suportang ibinigay ng ginang sa kanyang mga anak.
Mataas ang grado na nakuha ng kanyang mga anak sa pagtatapos ng eskwela lalo na ang bunsong anak na si Heart na humakot ng mga parangal.
Para kay Ginang Sarto, hindi hadlang ang pagbabago sa sistema ng pag-aaral sa mga batang nais matuto.