Campus

SUCs, LUCs DEVELOPMENT PANGUNGUNAHAN NG UPLB

/ 14 September 2020

MALAPIT nang ilunsad ng University of the Philippines Los Banos ang Office for Institutional Development in Higher Education – ang opisinang mangunguna sa pagpapaunlad at pagsasanay ng State Universities and Colleges at Local Universities and Colleges sa buong Filipinas.

Ayon kay UPLB Chancellor Fernando Sanchez, Jr., ang pagtatayo ng OIDHE ay isa sa mga bunga ng bayanihan sa unibersidad.

Sinabi niya na kung anuman ang tinatamasang kalidad ng edukasyon sa UP ay dapat lamang na ipamahagi sa buong bansa upang sabay-sabay na umunlad ang mga Filipino.

“Establishing OIDHE is consistent with our mandate as the national university,” pagbibigay-diin ni Sanchez sa proposal na isinumite ng kaniyang tanggapan sa UP Executive Committee.

Nakasaad pa sa proposal ni Sanchez, “OIDHE will be responsible for helping build the capacity of SUCs and LUCs through technical assistance in curriculum development, collaborative research, faculty development, and leadership development.”

Pananaliksik at serbisyong ekstensiyon ang layon ng OIDHE na magbibigay-pokus sa larangan ng engineering, agriculture, natural resources, community development, rural development, at veterinary medicine.

Nakapaloob pa sa proposal ang pagpapa-enroll sa mga instruktor, lecturer, at propesor ng mga makakasamang SUCs at LUCs sa alinmang graduate programs ng UPLB.

Sa oras na sang-ayunan ito ng komite ay agad na sisimulan ang pagtatayo ng naturang opisina. Ito ay pamumunuan ng isang direktor na direktang mag-uulat sa tsanselor. Makikipagtipanan din ang UPLB sa Commission on Higher Education para sa ikauunlad ng ganang inisyatiba.