SOGIE DAPAT ITURO SA ISKUL — UP PROF
AKTIBONG isinusulong ng isang guro mula sa Unibersidad ng Pilipinas ang pagtuturo ng Sexual Orientation, Gender Indentity, and Expressions sa mga paaralan matapos na masadlak ang isyu ng Isla Reta Beach Resort sa Davao del Norte kontra mga kliyenteng transgender.
Kamakailan, inanunsiyo ng nasabing resort na hindi sila tumatanggap ng mga bisitang transgender sapagkat hindi nila batid kung paano sila marapat itrato sa loob ng pasyalan.
“We inform the public we cannot accommodate transgender because we have no facility for them to avoid issues of discrimination,” pahayag ng pamunuan sa kanilang Facebook page.
Tugon nila ito sa reklamo ni Shannon Remotigue Gonzaga matapos niyang ipamalitang transphobic at homophobic ang resort.
Ayon sa kuwento ni Gonzaga, Mayo 10 nang siya’y bumisita sa Isla Reta. Isang transgender woman, pinili niyang pumasok sa palikuran ng kababaihan.
Gayunpaman, sinigawan umano siya ng isang resort employee. Pinagbawalan siyang pumasok, at sa halip, ay pinapupunta sa panlalaking palikuran dahil sa siya umano’y isang gay.
Inireklamo niya ang insidente sa Resort manager at laking gulat niyang pareho ang desisyon nito — na siya’y dapat na sa panlalaking pasilidad dahil sa siya’y gay.
Sa tila sagutan ng magkabilang panig ay bumaha ang sari-saring komento. Sabi ni Chard Ramirez, “mag-close na lang kayo.”
“The moment you don’t allow certain group of people to be accommodated is already discrimination,” dagdag ni Kenneth Divino.
Samantala, naglabas ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng Isla Reta noong Mayo 12. Iginiit nilang maayos naman ang paninita ng resort employee at na wala talaga umano silang pasilidad para sa mga transgender.
Para rin hindi makapagdiskrimina ng mga bisita, minabuti na lamang nilang huwag tumanggap ng transgenders sa loob ng resort.
Ang ganitong posisyon, anila, ay hindi homophobic.
“Welcome naman ang LGBTQ+ subalit respetuhin dapat nila ang desisyon ng may-ari ng resort upang pangalagaan ang karapatan at kaligtasan ng kababaihan.”
Tinugunan ito ni UP Diliman Department of Filipino and Philippine Literature Professor Michael Francis Andrada.
Sa kanyang Facebook post ay sinabi niya na, “Tama. ‘Di po sila homophobic. Transphobic po sila.”
Binigyang-pansin ni Andrada ang mas malaking isyung nakabalot dito — ang kakulangan sa edukasyon at pagmumulat.
“Saka isa pa, pinatutunayan lang nito na marami pang kailangang gawing pagmumulat. May mga kaibigan at kakilala akong babae na ayaw talaga mag-share ng CR with transwomen.”
Inisa-isa niya ang mga madalas idahilan ng ganitong pananaw.
“Baka manyak na lalaki ang mga iyan na nagpapanggap lang na trans para makapamboso at makapangmanyak ng babae. Hindi naman sila totoong babae. Kung may karapatan ang trans, bakit nawawalan kaming babae ng sariling karapatan. Maingay ang mga trans at malalaswa at nanlalait. Dapat may sariling CR para sa trans.
Bawal ba at mali ba na maisip ko ang sense of safety ko? Andami nang bagong karapatan, ‘di ko kayang intindihin lahat iyan. Bawal sa relihiyon.”
Susog pa ni Andrada, “Malinaw ang mga dahilan. Kaya malinaw rin kung saan nag-uugat ang kanilang agam-agam at transphobia.”
Ang isinusulong na solusyon ni Andrada ay ang maituro ito sa mga paaralan sa lalong madaling panahon.
“Kaya dapat, ang pagtalakay sa SOGIE ay gawin sa sariling mga wika. At kailangang maisama sa kurikulum sa edukasyon, kasabay ng pagtalakay at pagpapalalim sa usapin ng agham, karapatan, paniniwala, batas, at kultura.”
Panawagan din ng mga mag-aaral na sumusuporta sa kuro ni Andrada na bantayan at huwag hayaang nakabimbin sa Kamara ang SOGIE Equality Bill.
Gayundin, may umiiral na Anti- Discrimination Law na maaaring pagsalangan ng naturang isyu.