RIZAL SDS NAMAHAGI NG READING MATERIALS SA MGA MAG-AARAL
ILANG linggo bago ang pasukan ay namahagi ang Rizal Schools Division Superintendents ng reading materials para sa mga mag-aaral sa Kinder at Grade 1.
Isinagawa ng Rizal SDS ang pangkomunidad na proyekto upang maagang magkaroon ng mga babasahin ang mga bata.
Ayon sa pinuno ng Rizal SDS na si Cherrylou Pia, mahalaga ang pagbabasa lalo na’t marami ang mahihirapan sa independent learning lalong-lalo na ang mga nasa Kinder at Grade 1.
“Community driven reading program and is home based in order to preapre our students dun sa klase, nakita namin isang magiging challenge sa mga bata ay not all are ready for independent learning,” sabi pa niya.
Bagaman handa na ang Rizal sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24 ay labis na ginhawa ang naramdaman ng mga guro ng naturang lalawigan nang ianunsiyo ni DepEd Secretary Leonor Briones na iniurong ang klase sa Oktubre 5 dahil nais pa nilang pag-igihin ang mga paghahandang isinasagawa upang hindi magkaroon ng aberya sa mga estudyante.
“Hindi namin inasahan kasi kami naman talaga ay kasado para sa August 24, though siyempre, may mga bagay pang dapat ayusin.”
Dagdag pa niya, pagtutuunan din nila ng pansin ang pagbibigay ng orientation sa mga magulang upang pagdating ng klase ay ‘kumpletos rekados’ na ang school year 2020-2021.