Campus

RED-TAGGING SA UP BAGUIO, SAINT LOUIS UNIVERSITY PINALAGAN

/ 28 July 2020

NAGHAIN ng reklamo ang UP Rises Against Tyranny and Dictatorship sa tanggapan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong laban sa umano’y sunod-sunod na insidente ng red-tagging sa mga mag-aaral at alumni ng University of the Philippines Baguio at Saint Louis University, ayon sa ulat ng UP Baguio Outcrop.

Sa pahayag ng UPRISE, may mga nakitang nakasabit na tarpaulin kamakailan sa kahabaan ng overpass ng Baguio City National High School, University of the Cordilleras at Harrison Road na naglalaman ng red-tagging sa mga mag-aaral at alumni ng UP Baguio at SLU.

Agad naman umano itong binaklas ng mga nakakitang volunteer at inireklamo ang insidente sa Baguio City Police Office Station 7 sa tulong ng Cordillera Human Rights Alliance-Karapatan.

Sa liham ng grupo sa tanggapan ng alkalde ng Baguio ay hiniling din nila ang pagpasa sa anti-political vilification ordinance na nakabimbin pa rin hanggang ngayon.