Campus

PRESIDENTE NG TARLAC STATE UNIVERSITY PUMALAG SA ACADEMIC FREEZE

/ 28 August 2020

“KUNG ayaw nilang mag-aral, ‘wag silang mag-enroll. Mag-drop muna, pero ‘wag din nilang idamay ‘yung mga estudyanteng very eager na mag-aral,” tunog-inis na pahayag ng presidente ng Tarlac State University bilang tugon sa panawagang ‘academic freeze’ ng ilang progresibong mag-aaral ng unibersidad.

Ayon kay TSU president Dr. Myrna Q. Mallari ay saksi siyang nag-eenjoy ang mga estudyante sa online instruction. “I’m a witness to that, so kung ayaw nilang mag-aral at gusto nila ang aca-demic freeze, ‘wag nilang guluhin ‘yung mga gustong mag-aral,” pahayag ni Mallari.

Umani naman ng batikos mula sa mga estudyante ng unibersidad at ilang progresibong grupo ng mag-aaral sa labas ng TSU campus ang pagpalag ni Mallari sa panawagang academic freeze na kanya pa umanong nilagyan ng mga salitang hindi nababagay na sabihin ng isang namumuno ng pamantasan ng estado.

Batay sa pahayag ng The Work, ang opisyal na pahayagan ng mga estudyante sa TSU, tinawag ni Mallari na ‘panggulo’  lang ang mga estudiyante na nanawagan para sa tigil-klase ngayong school year 2020-2021.

Pinasaringan din ng presidente ng TSU ang Supreme Student Council ng unibersidad matapos nitong suportahan ang panawagan para sa academic freeze.

“Gusto mong tumakbo ng SSC tapos ina-advocate mo academic freeze? Why will you freeze learning? Why will you freeze the ambitions or the dreams of the students? Kung ayaw niyang mag-aral, bakit siya tatakbo ng SSC? Sino ang iru-rule mo kung walang estudyante?” pahayag ni Mallari patungkol sa lider ng student organization.

Gamit ang #TSUCanDoBetter, #AcademicFreezeNow, #NoStudentLeftBehind, #WalangMaii-wan at #UpholdStudentsRight ay inulan si Mallari at ang TSU ng batikos sa socila media mula sa mga estudyante ng pamantasan dahil ‘anti-students’ umano ang mga ito.

Ilan sa mga sentimiyentong ibinulalas ng mga mag-aaral ng TSU sa kanilang social media accounts ay ang mga sumusunod: “Lol NAKAKATAWA KAYO MADAM!” “ew anti-student,” Iyakin ka talaga Mallari.” “Sila bayad na bayad, mga estudyante hirap na hirap.”

Bilang suporta sa mga estudyante ng TSU, naglabas naman ng unity statement ang College Editors Guild of the Philippines ng Central Luzon, kasama ang mga publikasyon  at mga progresibong grupo mula sa karatig probinsya upang kondenahin ang pahayag ni Mallari.

“Kung tunay na natatamasa ng mga estudyante ang pagiging epektibo ng ganitong sistema ng edukasyon, bakit nagpapatuloy ang panawagan?” tanong ng CEGP.

Matatandaang bumuhos ang panawagan para sa academic freeze matapos na umangal ang mga estudyante  na marami sa kanila ang hindi makakasabay bunsod ng kakulangan ng pantustos sa blended learning.

Samantala, hindi pa nag-aanunsiyo ang pamantasan kung kailan ang kanyang pagbubukas ng klase para ngayong school year.