Campus

PISAY GRAD ENROLLED NA SA DUKE UNIVERSITY

/ 31 December 2020

ENROLLED na sa Duke University, Durham, North Carolina ang isa sa mga mag-aaral ng Philippine Science High School-Cagayan Valley Campus na nagtapos ng Grade 12 noong nakaraang akademikong taon.

Isang consistent honor student si Edrian Paul Liao na tubong Cauayan, Isabela. Kilala siya sa Pisay bilang isang math wizard, choir leader at badminton player na nagnanais maging isa sa mga pinakamahuhusay na inhinyero sa buong mundo.

Dahil sa angking husay ni Liao ay natanggap niya ang financial aid grant ng Duke University na naging susi para siya’y tuluyang makapag-enroll sa kursong Mechanical Engineering na may certificate sa Aerospace Engineering at minor sa Computer Science.

Ang grant ay nagkakahalang $57,000 o humigit kumulang P2.8 milyon, renewable taon-taon. Sapat ito para masaklaw ang mga gastusin sa pagkain, tirahan, health insurance, at iba pang gastusing pampag-aaral.

Noong una’y hindi makapaniwala si Liao na nakapasa siya sa Duke University. Akala niya, yaong mga taga-Maynila lamang na mayroong salaping pambayad ang nakapag-aaral abroad.

Mahina ang kaniyang loob na tumungo sa ibang unibersidad, lalo pa’t ang kaniyang ama’y isang magsasaka, kaiba sa magulang ng kaniyang mga kaibigan. Hanggang sa minsan, nang mabalitaang si Hilary Andales ng Pisay -Eastern Visayas Campus ay tagumpay na nakapasa sa Massacusetts Institute of Technology, ay nagkaroon din siya ng lakas ng loob para mag- aplay sa pangarap na unibersidad.

Sinabi niya na ang mga patimpalak at pagsasanay na sinaliha’t dinaluhan niya sa paaralan ang humubog ng kaniyang talino para pumasa’t magkaroon ng iskolarsyip sa Duke University.

Noong una, hindi naman talaga niya hilig ang agham. Pero napamahal ito sa kaniya nang lumaon dahil sa husay ng mga guro sa Pisay.

“Science was not my strongest suit back then, but thanks to my Pisay education, I was able to love and to learn science. Because of that, I joined and ranked high in national science competitions like Philippine Science Olympiad and the Philippine Biology Olympiad,” wika ni Liao.

Noong Abril 2017 ay kumuha siya ng Preparatory Scholastic Assessment Test at nakakuha ng markang 1260/1440. Ang iskor na ito ay kasama sa 99th percentile ng mga mag-aaral sa buong mundo.

Gayundin, siya’y napabilang sa Top 1% sa lahat ng mga kalahok ng American Mathematics Competition-Honor Roll of Distinction noong 2016.