Campus

PHILIPPINE NORMAL UNIVERSITY KUMABIG, PAGBUBUKAS NG KLASE INIURONG

/ 25 August 2020

MATAPOS na kalampagin ng mga estudiyante ang administrasyon  ng Philippine Normal University,

napagdesisyunan nito na kanselahin ang nakatakdang pagbubukas ng klase sa ika-27 ng Agosto, at ilipat sa susunod na buwan.

Sa bisa ng memorandum order na ibinaba ng opisina ng presidente ng PNU para sa komunidad nito, idudulog na ang suhestiyon na iurong ang pagbubukas ng klase sa lupon ng mga rehente.

“Dahil dito at kabilang na rin ang iba pang mga mahahalagang konsiderasyon, minarapat ng Pamunuan na pakinggan ang kahilingan ng mga mag-aaral at mga guro. Nagdesisyon ang Execom na ipagpaliban muna ang pagbubkas ng unang termino,” nakasaad sa memorandum.

Target ng administrasyon ng PNU na buksan ang klase sa ika-28 ng Setyembre  ngunit hihintayin pa ang pinal na desisyon ng mga rehento patungkol dito.

Inamin din ng PNU na kanilang kinonsidera ang hinaing ng mga estudyante sa kanilang desisyon at sinabing mas paiigtingin pa nila ang kanilang mga ginagawa upang masiguro na makapagpapatuloy sa pag-aaral ang kanilang mga esudyante.

Samantala, naglunsad din ang pamantasan ng kanilang sariling donation drive na tinawag na “Project Tanglaw” na naglalayong makalikom  ng sapat na pondo upang mabigyan ang mga estudyanteng kapus-palad ng mga kagamitan na puwedeng gamitin sa online classes.