PANAYAMAN SA FILIPINO HANDOG NG MSU-IIT
ITATAMPOK ng Mindanao State University – Iligan Institute of Technology ang serye ng mga lektura sa Filipino at Panitikan ng Filipinas sa Oktubre 12, 14, at 16, via Facebook Live.
May temang “Anila: Mga Sipat ng Manunulat sa Panitikan at Wika sa Kabila ng Pandemya” ay hihimayin ng mga batikang iskolar at propesor ang mga kasanayang dapat taglayin ng mga guro’t mananaliksik sa panahon ng Covid19 pandemic.
Bubuksan nina Prop. Merlie Alunan at Prop. Jayson Petras ang programa sa tulong ng mga lekturang pinamagatang Approaches in Teaching Mother Tongue Literature at Wika bilang Suliranin, Karapatan, at Yaman: Ang Pagpaplanong Pangwika mula sa Danas sa Pandemya.
Susuungin naman ni Prop. Michael Francis Andrada ang digital humanities sa kaniyang panayam na pinamagatang Digitalas: Paglikha at Pagtuturo ng Panitikang Digital sa Pilipinas.
Diskurso ng Wika sa Panahon ng Pandemya: Kaso ng Panghihiram at Pagsasalin ang susunod kay Andrada na padadaluyin ni Prop. John Barrios.
Sa pagwawakas, maka-Filipinong panitikang kukurot at tatanim sa buhay ng mga mamamayan ang dala nina Stefani Alvarez at Deidre Morales – Ako, ang Autobiografia, at Ang Dagli at Pagtuturo ng Wika at Panitikan sa Panahon ng Pandemya.
Libre para sa lahat ang webinar na ito. Sinumang nais magpatala ay maaaring magparehistro sa bit.ly/ani2020registrationform.
Alay ito ng MSU-IIT sa lipunang Filipinong nagpapatuloy sa pag-aaral sa kabila ng maraming hamong nararanasan ng lipunan sa panahon ng krisis pangkalusugan.