Campus

PAGTATAPAT NI TITSER SHIRLEY: “PINABAYAAN KAMING MGA PART-TIME NA GURO”

/ 2 September 2020

NAGBAHAGI ang isang part-time na propesor ng Polytechnic University of the Philippines kung paano sila pinabayaan ng ‘Sintang Paaralan’ sa gitna ng Covid19 pandemic.

Ang part-time na propesor, na nagpapatago sa pangalang “Shirley,” ay ibinahagi sa The POST na wala umanong naging kahit anong hakbang ang administrasyon ng PUP upang tulungan sila sa kanilang mga gastusin ngayon pa’t wala silang sinasahod dulot ng paghinto ng mga pisikal na klase sa pamantasan.

Hindi gaya ng mga regular na propesor sa PUP, nasa ilalim ng no-work-no-pay na kontrata ang mga part-timer, kung kaya’t napilitan ang iba sa mga ito na humanap ng ibang raket tulad ng food deliveries at online selling upang magkapera sa gitna ng pandemiya.

Marso nang unang magdeklara ang gobyerno ng lockdown sa buong Luzon upang mapigilan ang pagkalat ng nakakahawang sakit at simula noon ay nahinto na rin ang kanilang pagsahod.

Baka umabot pa raw sa 10 buwan silang tengga dahil sa Oktubre 5 pa magsisimula ang klase sa pamantasan, at baka sa Disyembre na sila makasahod dahil lagi rin naman daw itong atrasadong magpasahod ang pamantasan.

Una nang naihayag na umaray ang mga part-timer sa PUP dahil sa laging delay ang pagpapasahod nito tulad na lamang noong nakaraang pasko, at doble bigat pa dahil sa kakarampot na bayad na aabot lamang sa 200 piso kada oras.

“May mga pronouncement sila na gagamit ng flexible learning pero ang totoo lang ay hindi pa rin talaga nila nagagawa ‘yun. Wala silang ginagawa dahil natapos naman na namin ang modules, pero ang demands ng mga students at teachers ay ‘di pa din nila tinutugunan,” wika ni Shirley.

Kahit raw napakapangit ng pagtrato sa kanila ng PUP ay pinili parin ni Shirley na magturo rito dahil dito siya nanggaling.

“Graduate ako ng PUP. Gusto ko rin maranasan kung paano magturo. Bakit hindi pa sa PUP? Ikalawa sa usapin ng academic freedom (though may repressions pa rin naman) mas may leeway naman sa PUP kumpara sa ibang unibersidad,” dagdag ni Shirley.

Inihambing rin ng guro na katulad ng Kagawaran ng Edukasyon ay hindi rin handa ang PUP sa pagbubukas ng klase kahit pa iurong nito ang petsa ng pasukan.

Sinambit din ni Shirley na napilitan na lang silang gumawa ng mga modyul na gagamitin para sa Flexible Technology – Enhanced Learning kahit hindi sila bayaran ‘tulad ng sa ibang unibersidad dahil baka hindi umano sila bigyan ng teaching load sa susunod na semestre o kaya naman ay tuluyan na silang tanggalin sa PUP.

“Sana isipin muna nila ‘yung resources… bago sila maglabas ng mga deadline at bigyan nilang prayoridad ang demands ng mga students at teachers… kasi ang mga nasa taas ay wala rin naman silang ginagawa,” wika ni Shirley.

Hiling na lamang ng propesor na kahit sagutin lang ng PUP ang internet services ng mga part timer, dahil kahit sa maliit na bagay na ito ay malaking tulong na sakanila.