PAGPUPURSIGI SUSI UPANG MAPAGTAGUMPAYAN ANG ONLINE LEARNING
PAGPUPURSIGI at determinasyon.
PAGPUPURSIGI at determinasyon.
Iyan ang naging susi upang matapos ng magkapatid na Angela at Sai Andrea Vargas Permito at estudyanteng si Jeremy Austin Blake D. Imperial ang kanilang pag-aaral sa kabila ng hirap at pagsubok na dulot ng blended learning ngayong taon.
Ang magkapatid na Permito ay ilan lamang sa libo-libong estudyanteng salat sa buhay na napilitang igapang ang kanilang pag-aaral dahil sa ipinatupad na distance learning dulot ng pandemya.
Sina Angela at Sai ay kapwa may karangalang nagtapos ng Grade 7 at Grade 10 sa Pitogo High School sa lungsod ng Makati.
Bagama’t nakaraos na, ibinahagi ng magkapatid na hindi biro ang pinagdaanan nila nitong nakalipas na taon.
“Ang ginagawa ko araw-araw ay gumigising ako ng maaga para makapag-prepare na sa aking online class. Ginagalingan ko ang aking pag-aaral para ako ay makapagtapos at umabot sa ika-pitong baitang ng aking pag-aaral. At habang tumatagal ako ay nahihirapan pero nagpupursigi ako na mag-aral para maabot ko ang aking pangarap,” sabi ni Angela.
“Nagsikap ako na mag-aral mabuti na kahit napakahirap ng sitwasyon namin ay patuloy pa rin akong nag-aaral dahil gusto kong matupad ang aking mga pangarap. Kahit mas maganda ang face-to-face ay kailangang manatiling ligtas pa rin ang mga kabataan ngayong pandemya. Dumaan ako sa mga pagsubok sa buhay ngunit lumaban ako para sa aking kinabukasan,” dagdag pa niya.
Ibinahagi ni Angela na dumanas din siya ng “mental breakdown” dahil sa patong-patong na problema sa pamilya at sa mga taong umapi sa kanila.
“Nagkaroon ako ng mental breakdown dahil sa mga nangyayari, mahirap man ang pinagdaanan ng buhay ko lumalaban ako para sa aking pangarap, kahit i-down nila ako at kahit sabihan nila ako ng kung ano-ano, patuloy akong haharap sa anumang pagsubok dahil kasama ko ang Diyos sa lahat ng oras,” sabi pa niya.
Ayon din sa kanya, malaking tulong ang naibahagi ng kanyang mga kaibigan at ilang kamag-anak upang mapagtagumpayan niya ang kanyang pag-aaral.
“Binibigyan nila ako ng pang-load o ‘di kaya ay dumadayo pa sa mga may internet para lang makapasok sa online class. Nagsikap at nagtiyaga ako kahit napakahirap ang sitwasyon ko sa buhay ay patuloy pa rin akong lalaban sa buhay, ‘di man masaya makita ang mga kaklase na kahit ‘di nagkaroon ng experience sa activities ay patuloy pa rin akong mag-aaral sa sipag at tiyaga at humugot ako ng lakas sa Diyos,” wika ni Angela.
“Hinding-hindi ko makakamit ang karangalan kundi dahil sa mga taong tumutulong sa akin upang matupad ang aking pangarap kaya payo sa mga katulad kong estudyante, patuloy na magsumikap sa pag-aaral para mapagtagumpayan ang laban sa buhay kahit na may pandemya na ating kinakalaban,” dagdag pa niya.
Para naman sa kanyang kapatid na si Sai, naging malungkot ang kanyang pag-aaral nitong nakalipas na taon dahil wala siyang nakasalamuhang mga kaklase at guro.
“Naintindihan ko naman bakit nag-online class dahil nga may virus na kumakalat kaya nag-focus na lang ako sa online class kahit alam kong nahirapan ako,” sabi ni Sai.
Isa rin sa mga naging balakid sa kanyang pag-aaral ang kawalan ng sapat na gadget at internet.
“Nung nag-start ako mag-online class nahirapan talaga ako dahil wala akong sariling cellphone at mahina ang internet connection namin pero kahit ganoon, sinikap ko pa rin na matapos ang online class ko,” kuwento pa niya.
Naging masalimuot din ang mga unang linggo ng online learning dahil ayon sa kanya, tila hindi niya alam kung alin ang uunahin nya.
“Pero nung tumagal na-realize ko na kaya ko naman pala tapusin ito at kaya kong makapagtapos ng high school kahit nag-online class lang ako dahil may mga guro at magulang naman ako na ginagabayan ako at hindi ako pinabayaan,” pahayag ni Sai.
Para naman kay Imperial na nagtapos ng Grade 6, sapat na preparasyon, dobleng sikap at matinding determinasyon ang naging dahilan ng kanyang pagtatapos.
Ayon kay Imperial, maaga siyang gumigising araw-araw para maghanda sa kanilang klase.
“Ginagalingan ko ang aking pag-aaral para ako ay makapagtapos at umabot sa ika-pitong baitang. At habang tumatagal ako ay nahihirapan pero magpupursigi ako na mag-aral para maabot ko ang aking mga pangarap. Kahit na mayroon tayong hinaharap na pandemya ay magpursigi tayong maabot ang ating kagustuhan, katulad na lang ng sa akin. Gusto kong umabot sa Grade 7 kaya nagpursigi na lang ako mag-aral,” sabi ni Imperial.
Para sa magkapatid na Permito at kay Imperial, pagpupursigi ang nagtawid sa kanilang edukasyon ngayong taon.
Ito rin ang payong kanilang ibinigay sa kanilang mga kapwa estudyante na pinanghihinaan ng loob dahil sa sitwasyon ng edukasyon ngayon.
“Kahit na mayroon tayong hinaharap na pandemya ay magpursigi tayong maabot ang ating kagustuhan. Katulad na lang ng sa akin, gusto kong umabot sa Grade 7 kaya nagpursigi akong mag-aral,” sabi ni Angela.
“Mahirap kasi hindi man na mag-aral dahil online class wala naman kaming malakas na signal dito at ako ay nagsanay pang mag-aral. Magpursigi lang tayo maaabot din natin ang ating mga pangarap,” pahabol naman ni Imperial.