PAGLUSAW SA DND-PUP PEACE PACT PINALAGAN NG MGA ESTUDYANTE
NAGWELGA sa tapat ng main campus ng Polytechnic University of the Philippines ang ilang estudyante upang tutulan ang anomang plano o mungkahing kanselahin na rin ang PUP-DND peace accord.
Nauna rito ay iminungkahi nina Duterte Youth Partylist Rep. Ducielle Cardema at Sen. Ping Lacson na lusawin na rin ang Prudente-Ramos agreement matapos na ipawalang-bisa ng DND ang kasunduan sa University of the Philippines.
Layon ng nasabing mga kasunduan na pigilan ang pagpasok ng puwersa ng militar sa mga campus ng UP at PUP nang walang pahintulot mula sa administrasyon ng mga unibersidad.
Ayon sa mga estudyante, isang pag-atake ang pag-terminate sa naturang mga kasunduan sa mga kritikal na boses sa kasulukuyang administrasyon.
“Ayaw ni Duterte ng matatalinong mga bata, kaya mga Iskolar ng Bayan hinihikayat namin kayo na sumama sa pakikibaka, hindi lamang sa pamantasan kundi maging sa labas ng pamantasan,” sabi ng isang estudyante sa protesta.
“Kung gusto nilang puksain ang terorismo, una nilang puksain ang PNP at AFP. Kung gusto nilang sugpuin ang terorismo, ugatin nila kung bakit may kahirapan,” dagdag pa ng isa.
Wala pang inilalabas na pahayag ang adminstrasyon ng PUP tungkol sa nasabing isyu.