Campus

PAGKUHA NG YUNIT SA ASIGNATURANG FILIPINO SUPORTADO NG MGA ESTUDYANTE SA PNU

/ 25 August 2020

SUPORTADO ng isang grupo ng mga estudyante sa Philippine Normal University ang House bill 223 o ang panukalang batas na gawing mandatory ang pagkuha ng mga yunit sa asignaturang Filipino sa kolehiyo.

Ayon sa Sangay Pilantik, isang lupon ng mga progresibong manunulat na nagpapakadalubhasa sa Filipino sa PNU, magiging hakbang ang panukalang batas upang makaalpas ang bansa mula sa kolonyal nitong sistema.

“Ang pagsasabatas ng HB 223 ay magsisilbing isa sa mga hakbang upang lumaya mula sa isang kolonyal na sistema ng edukasyon ang ating bansa. Higit pa rito, magsisilbi rin itong daan upang makabuo ng pagkakaunawaan sa pagitan ng mga mamamayan tungo sa pambansang kaunlaran,” sabi  ng Sangay Pilantik.

Idinagdag din  ng grupo na makatutulong ang nasabing panukalang batas sa sektor ng mga manggagawa, demokratisasyon, intelektwalisasyon, pananaliksik, at sa lahat ng Filipino dahil mapauusbong nito ang wika sa bansa at makalilikha  ng trabaho para sa mga propesor ng Filipino sa kolehiyo.

Matatandaan na ginawa na lamang opsiyonal ng Commission on Higher Education ang pagkuha ng mga asignatura sa Filipino sa pamamagitan ng Memorandum Order 20 serye 2013, na umani ng malawakang pagkondena dahil sa pagiging anti-Filipino nito.

Layon ng HB 223 na gawing batas ang pagtatakda ng hindi bababa sa siyam na yunit sa asignaturang Filipino at tatlong yunit ng asignaturang panitikan na dapat na kunin  ng mga estudiyante sa kolehiyo.

Mga mambabatas mula sa Makabayan bloc ang unang nagsulong ng panukalang batas sa Kongreso noong Hulyo 2019.

Samantala, nakiisa rin ang administrasyon ng PNU sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino sa kanilang mga transaksiyon.