Campus

PAGKILALA SA MGA GURO SA AURORA PROVINCE

/ 28 July 2020

MATAGUMPAY na naisagawa ng Schools Division Office sa lalawigan ng Aurora ang kauna-unahang Virtual Recognition and Presentation of Supplementary Learning Resources (SLRs) na may temang “SDO AURORA LRMDS: Creating Effective Solutions to Continue Education Amidst Global Crisis” noong ika-13 ng Hulyo 2020 sa pamamagitan ng Facebook Live.

Ang gawaing ito ay pinangunahan ng Learning Resource Management Development Section sa pamamagitan ng Education Program Supervisor na si Ginang Estrella Neri.

Ang nabanggit na gawain ayon kay Neri ay may layuning kilalanin ang lahat ng guro mula sa lalawigan na naglaan ng panahon at oras upang makapagsulat at makabuo ng mga kagamitan sa pagtuturo sa iba’t ibang asignatura mula Kindergarten hanggang Senior High School katulad ng mga modules, self-learning kits, strategic intervention materials, story books at iba pa.

Ito ay ipagagamit sa mga mag-aaral habang hindi pa bumabalik sa nakasanayang harapang pag-aaral at pagtuturo ng mga guro gayundin upang ipresenta sa iba’t ibang punong-bayan ng lalawigan ang mga nasabing mga Supplementary Learning Resources.

Ang mga SLRs na isinulat at binuo ng mga guro ay masusing sinuri upang matiyak na ang mga ito ay nagtataglay ng mga kaalamang angkop at kinakailangan ng bawat mag-aaral, dagdag pa ni Neri.

Ang bawat local government unit sa lalawigan ay nagpaabot ng kani-kanilang suporta kabilang na ang suportang pinansyal.

Makikita sa ibaba ang halaga ng suportang pinansyal na inilaan ng bawat local government unit para sa programang ito ng Schools Division Office-Aurora LRMDS.

Baler-P2,845,000; Casiguran-P1,490,070; Dilasag-P1,728,000; Dinalungan-P454,800; Dingalan- P800,000; Dipaculao-P1,347,600; Maria Aurora -P2,060, 000; San Luis-P803,620; at tulong mula sa Provincial Special Education Fund P6,464,000.

Ang nasabing suportang pinansyal ay ipagkakaloob sa mga paaralan ng walong bayan sa lalawigan upang magamit sa pagpapalimbag ng mga kagamitang pagtuturo katulad ng pagbili ng photocopy machine, bondpapers at iba pa.

Maayos na nagtapos ang Virtual Recognition and Presentation of SLRs at nag-iwan ng malaking pag-asa para sa lahat ng mamamayan ng Aurora na malalampasan ang krisis dulot ng pandemya dahil sa pagkakaisa, sapagkat walang umanong pandemya ang maaaring makahadlang sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa lalawigan.