PAGKAKABIT NG ‘RUN SARA RUN’ POSTERS SA UPLB CAMPUS KINONDENA
BINATIKOS ng mga estudyante ng University of the Philippines Los Banos ang pagkakabit ng ‘Run Sara Run’ posters sa loob ng kampus nito kahapon.
Ayon sa ulat ng Twitter account na @The_ElbiFiles, nasaksikan nila ang aktuwal na paglalagay ng posters na sakay ng rescue ambulance ng Barangay Malinta.
Namataan at binidyohan din nila ang mga tagasuporta ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpupulong at nagreretratuhan sa Chelsea’s Restaurant sa loob ng UPLB.
Kinondena ng mga iskolar ng bayan ang naturang pangyayari sapagkat malayo pa umano ang eleksiyon ay pinuputakte na ng kampo ng mga Duterte ang kampus na makailang ulit na nilang nired-tag.
Gayundin, kinuwestiyon nila ang paggamit ng sasakyan ng barangay.
Hindi umano ito maaaring gamitin sa mga personal na gawain, lalo pa’t may kinalaman sa pagtakbo bilang pangulo sa 2022.
Matatandaang noong nakaraang araw ay nag-trend sa Facebook ang ‘binaboy’ na ‘Run Sara Run’ poster na naunang isinampay sa kahabaan ng Agapita Road sa Barangay Batong Malake.
Wala pa kasing ilang minuto’y sinira na ito ng mga residente at binaklas ng mga barangay kagawad.
Samantala, makailang ulit nang itinanggi ni Sara Duterte ang mga ulat na siya’y tatakbo sa pagka-pangulo.
Wala pa ring pahayag ang pamunuan ng Barangay Malinta ukol sa insidente.