PAGBUBUKAS NG KLASE SA CVSU, TULOY SA SETYEMBRE
Inanunsyo na ng pamunuan ng Cavite State University (CvSU) na opisyal nang magbubukas ang klase sa lahat ng sangay nito sa buong probinsya sa darating na ika-7 ng Setyembre 2020.
Bago ito, nauna nang ipinahayag ng Commission on Higher Education (CHED) na hindi sila ang magtatakda kung kailan opisyal na magbubukas ang klase sa mga kolehiyo at pamantasan sa bansa dahil hindi naman ito saklaw ng Republic Act 11840 na nagbibigay ng kapangyarihan sa pangulo na baguhin ang school calendar para sa elementarya at sekondarya sa mga panahong nasa panganib ang bansa kagaya ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Nanindigan ang CvSU na sapat na ang naging paghahanda nito at sinigurong susunod sa mga patakarang itinakda ng CHED, IATF, at DOH gaya ng pagbabawal muna sa face-to-face na klase para sa buong semestre.
Gagamit din ang pamantasan ng flexible na pamamaraan sa pagtuturo sa kumbinasyon ng Online o sa tulong ng teknolohiya, at Offline o sa tulong naman ng mga aklat at modules.
Samantala, kahit ilang linggo na lamang bago ang pasukan, patuloy pa ring inuulan ng batikos ang CvSU mula sa mga aplikante dahil sa hindi malinaw na batayang ginamit sa pagtanggap ng mga bagong estudyante.
Bilang tugon, nagpadala ng liham ang Supreme Student Government sa Tanggapan ng Pangulo ng Pamantasan upang humingi ng klarong paliwanag na sasagot sa tanong ng mga estudyante at magulang.
Ngunit ilang araw na matapos magsimula ang enrollment ay wala pa ring pahayag ang pamunuan ng Cavite State University tungkol dito.