PAG-ARESTO SA UP PROFESSOR ‘DI LUMABAG SA UP-DILG ACCORD — PNP
WALANG paglabag sa 1992 University of the Philippines-Department of the Interior and Local Government Accord ang mga pulis na umaresto sa isang propesor sa loob ng campus ng nasabing unibersidad.
Ito ang nilinaw ni Philippine National Police Chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa press briefing kahapon sa Camp Crame.
Paliwanag ni Azurin, isinilbi lamang ng mga pulis ang arrest warrant kay UP Professor Melania Flores at ang dokumento ay hindi naman tumutukoy sa eksaktong lugar kung saan dapat itong isilbi at hindi.
Iginiit pa ng PNP chief na ang nasabing kasunduan ay tumutukoy sa pagtalima sa academic freedom at pamamaraan ng pagpasok ng mga pulis sa campus.
Magugunitang si Flores ay inaresto noong Pebrero 6 dahil umano sa hindi pagre-remit ng Social Security System contributions na kanyang itinanggi.
Gayunman, pinakawalan din siya sa parehong araw at inakusahan ang mga pulis na lumabag sa kanyang karapatang pantao.
Iginiit ni Flores na wala siyang natanggap na subpoena para sa hearing ng umano’y kanyang kaso.