Campus

NOMINASYON PARA SA SUSUNOD NA UP DILIMAN UNIVERSITY LIBRARIAN SINIMULAN NA

/ 10 August 2020

TUMATANGGAP na ang Unibersidad ng Pilipinas Diliman ng mga nominasyon para sa posisyong University Librarian.

Ito ay ayon sa kalalabas lamang na memorandum mula kay Dr. Theresa T. Payongayong, Bise-Tsanselor para sa Ugnayang Akademiko at Puno ng Selection Committee para sa Susunod na University Librarian noong Agosto 6.

Sinuman ay maaaring magpasa ng nominasyon o irekomenda ng kandidato ang kanyang sarili, at lakipan ng sumusunod na dokumento:

  1. Liham-nominasyon na nagpapaliwang ng mga kadahilanan sa pagnonomina;
  2. Liham na naglalaman ng kagustuhang maglingkod ng nominado;
  3. Curriculum-vitae, lakip ang isang pahinang buod at passport size na retraro;
  4. Vision paper, 2-4 na pahina.

Alinsunod sa University Library Organic Act ng UP Board of Regents, ang University Librarian ang magsisilbing Chief Executive Officer ng University Library. Siya rin ang tatayong ex-officio ng University Archivist at ang magrerekomenda sa Tsanselor ng mga programang pagpapaunlad ng mga aklatan sa buong pamantasan.

Nakasaad sa polisiya na ang University Librarian ay itatalaga mula sa lawas ng mga propesyonal na librarian ng mga unibersidad na saklaw ng Sistemang UP sa loob ng tatlong taong termino, pirmado ng Lupon ng mga Rehente, sang-ayon sa rekomendasyon ng Tsanselor at nominasyon ng Pangulo.

Ang mga dokumento ay maaaring ipadala via email [email protected].

Gaya ng nakagawian, ang mga nominado ay ihaharap sa website ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa Ugnayang Akademiko, UPDate, DZUP, Philippine Collegian, at ng University Student Council. Idadarang din sila sa talakayan para sumagot ng mgakatanungan.

Sa Agosto 18, alas- 5 n.h., ang huling petsa ng pagsusumite.

Maaaring basahin ang buong memo rito: https://upd.edu.ph/wp-content/uploads/2020/08/OVCAA-MTTP-20-035-Call-for-Nomination-for-the-Next-University-Librarian.pdf.