Campus

NATIONAL UNIVERSITY DEDMA SA REKLAMO NG MGA ESTUDYANTE HINGGIL SA DELIVERY CHARGE NG WIFI KITS

/ 1 September 2020

HINDI binigyang-pansin ng National University Student Affairs ang tanong ng mga estudyante hinggil sa P160 delivery charge sa mga ihahatid na WiFi kits sa kanilang mga tahanan.

Ayon sa NU Student Government, nagpadala sila ng liham sa kinauukulan upang ipahatid ang kanilang sentimyento sa halaga ng delivery charge ng WiFi kits kahit pa sa loob lamang ng Metro Manila.

Ngunit bigo umano ang mga ito na makakuha ng sagot mula sa NU Student Affairs.

Nauna nang nagdesisyon ang NU na ipakuha ang WiFi kits sa iba’t ibang couriers sa eskuwelahan upang ihatid sa mga tahanan ng mga estudyante.

Subalit hindi umano sumunod sa protocols ang mga rider kung kaya napilitan ang unibersidad na suspendihin  ang pamimigay ng mga ito.

Ayon naman sa  NU Student Affairs,  maaari ring kunin  ang kits sa unibersidad subalit ito ay scheduled-basis simula noong Agosto 19.

Sa ngayon, mayroon pa ring mga estudyante ang hindi pa nakatatanggap ng WiFi kits kahit pa nagsimula na ang klase noong Agosto 17.

Ang WiFi kits ay kasama sa miscellaneous fee upang masiguro na lahat ng estudyante ay magkakaroon ng internet connection para sa school year 2020-2021.