Campus

NATIONAL ARTIST TUMUGON SA ISYU NG TRENDING VIDEO NI KARA DAVID

/ 14 May 2021

NAGLABAS ng opisyal na pahayag at pagpapaliwanag si University of the Philippines Diliman Professor at Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio Almario hinggil sa isyu ng ortograpiya na kamakaila’y trending sa social media dahil sa video na inilabas ni veteran journalist at UP Professor Kara David.

Minsang ipinaliwanag ni David na pagdating sa wikang Filipino, “ang nakasanayan ay hindi laging tama.” Sinundan ito ng pagsasabing ‘mali’ ang mga salitang ‘palang’, ‘sakin’, ‘narin’, ‘nanaman’, at iba pa, sapagkat hindi naaayon sa kasaysayan ng wika at sa ortograpiyang pambansa.

Nang kumalat ang video ay siya ring pagtaliwas ni UP Diliman Departamento ng Lingguwistika Professor na tagapagtatag ng Talaytayan MLE, Inc. na si Ricardo Ma. Nolasco.

Diin ng kanyang mensahe, “ang nakasanayan (sa pagsulat) ay malamang na tama.”

Kinatigan ito ng mga kaibigang lingguwistasero ni Nolasco gaya ni Prop. Resty Cena na siyang mas nagpainit sa online na balitaktakan.

Subalit nitong Mayo 12, binasag ni Almario ang kanyang katahimikan. Sa tulong ng Facebook page na Filipino Ngayon, ipinaliwanag ng dating Pinuno ng Komisyon sa Wikang Filipino ang kanyang posisyon sa naturang usapin.

Sa katunayan, sinopla niya ang paliwanag ni Nolasco na ‘prosodic word’ ang mga sinuri ni David.

“Nanggugulat si Sir,” sabi niya.

Paliwanag ni Nolasco

Tinawag ni Nolasco si David na ‘pulis-wika’. Itinatakwil umano ng mga pulis-wika ang nakasanayan ng mamamayan. Ipinaalala pa nga niyang dapat na “maging matalas ang mga seryosong iskolar ng wika” na tila baga pasaring sa sikat na dyorno.

“Alam ba ninyo na ang ‘maling’  kalakarang ito [tumutukoy sa pagtuturo ni David] ay may matibay na batayan sa linguistika? Ito’y sapagkat binibigkas ang nasabing mga konstruksiyon nang tuloy-tuloy at parang iisang salita. Imposibleng lagyan ng antala (o paghinga) ang natural na pagbigkas sa nasabing mga salita. Samakatuwid, kinakatawan ng umano’y  ‘maling’  paraan ng pagsulat ang tamang paraan ng pagbigkas.”

“Sa linguistika, ang bawat salita sa itaas ay itinuturing na iisang prosodic word,” paliwanag ni Nolasco.

“May kani-kaniyang kasaysayan at henyo ang pagsulat sa mga wika sa Filipinas. Igalang natin ang gayong kasaysayan at henyo. Kung paanong hindi dapat ipilit ang kalakarang Ilokano sa kalakarang Tagalog, gayundin dapat hindi ipilit ang kalakarang Tagalog sa kalakarang Ilokano,” dagdag pa niya.

Sagot ni Almario

Unang talata pa lamang ng tugon ni Almario, batid na ng akademya na ang tinutukoy niya’y si Nolasco, bagaman hindi niya literal na pinangalanan.

Si Nolasco lamang kasi ang nagsabing ‘prosodic word’ ang gaya ng ‘palang’  at ‘sakin’. At ang maanghang na sambit ni Almario, “Prosodic word? Nanggugulat si Sir.”

Ika niya, “Ang prosody ay isang pagsisiyasat na suprasegmental sa pahayag sapagkat maaaring ang paraan ng pagbigkas sa mga salita ay umepekto sa ibig sabihin. Kaya kailangang pakinggan ang lakas o hina, taas o baba, intonasyon ng pagbikas para matukoy ang tunay na ibig ipahayag ng nagsasalita.”

“Samantala, ang kasong tinalakay ng TV personality ay kung alin ang higit na wastong paraan ng pagsúlat sa “pa lang” o “palang” at sa “sa ’kin” o “sakin.” Lumilitaw na nakasanáyan niya ang magkahiwalay kayâ iyon ang itinuturing niyang tamà. Sa argumento naman ng ating linggwistasero, mas tamà ang magkadikit dahil ganoon ang pakinig niya sa pagbigkas ng mga ito.”

Sa pagpapatuloy, sinabi ni Almario na may problema kung hindi pupunahin ang mga gaya ng ‘palang’ at ‘sakin’  sapagkat magkakaroon ng kalituhan sa paghahanap ng salitang ugat. Ang ‘palang’  ay mapagkakamali sa ‘pala+ng’  o ‘pa lamang’ at ito marahil ang motibasyon ng dyorno sa kanyang mga video.

Ang nabanggit na mga assumption ay sinuportahan pa ng Pambansang Alagad ng Sining sa tulong ng ilang mga dilemma ng guro sa Pamantasang Ateneo de Manila.

“Ang ibig sabihin, narinig din ng TV personality ang kaso at nais tumulong upang masawata ang bagong nakakasanáyan. Nakagugulo sa halip na nakapagpapahusay ang magkadikit na pagsúlat. Iyon ang sinasabi niyang patotoo na hindi lahat ng nakasanáyan ay tamà,” dagdag niya.

Tuloy-tuloy pa rin ang debatehan online tungkol sa ortograpiya at hinihintay ng netizens, partikular ng mga mag-aaral, ang tugon ni David at ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Sambit pa sa komento, ang mga ganitong intelektuwal na usapin ang kumakalampag sa Commission on Higher Education na bawiin ang naunang desisyon sa pag-aalis ng Filipino sa kolehiyo.