Campus

MTV ‘GURONG PILIPINO, MABUHAY KA’ HANDOG NG DEPED CALABARZON

/ 30 July 2020

WALANG pinipiling oras ang pagsaludo sa mga guro, ngunit higit na espesyal ang pagpupugay sa kanila ngayon dahil sa kanilang pagiging masigasig at pagpapakita ng katapangang maihatid lang ang edukasyon sa gitna ng pandemya.

Buhay na buhay ang pagsaludo sa mga guro sa orihinal na komposisyon ng awiting “Gurong Pilipino, Mabuhay Ka” na likha ni DepEd-Calabarzon Regional Director Wilfredo Cabral.

“Lubos na nagpapasalamat ang Kagawaran sa mga gurong walang humpay ang pagsuporta sa pagpapatuloy ng edukasyon na taglay ang positibong pananaw, dedikasyon at aksyon sa kabila ng kinakaharap na health crisis, hindi lang ng bansa, kundi ng buong mundo,” pahayag ni Cabral.

Ayon sa nasabing opisyal, hindi umano matatawaran ang ipinamamalas na serbisyo ng mga kaguruan para sa pagsusulong ng ‘edukalidad’ sa new normal.

“This MTV is a tribute to all teachers who have been sacrificing to be of great service to all our learners. They have been doing everything to support the provision of quality education despite the pandemic,” sabi pa ni Cabral.

Binigyang-diin din ng opisyal na gagawin nila ang lahat ng makakaya upang maipagkaloob sa bawat mag-aaral ng Calabarzon ang edukasyon sa iba’t ibang learning modalities alinsunod sa Learning Continuity Plan.

“Ito ang panahong higit tayong kailangan. Halina’t magpatuloy, tayo’y magkapit-bisig dahil maraming naghihintay ng ating pagtindig,” bahagi ng mensahe ni Cabral bilang inspirasyon sa mga guro sa buong bansa.