MGA GURO SA CATBALOGAN NAT’L COMPREHENSIVE HS NAGHAHANDA PARA SA ONLINE CLASS
BILANG pagtugon sa kautusan ni Secretary Leonor Briones ng Kagawaran ng Edukasyon ay puspusan na ang paghahanda ng mga department head ng Catbalogan National Comprehensive High School sa Eastern Samar para sa e-learning.
Upang matiyak na walang aberya sa connectivity kapag nagsimula ang klase sa Oktubre 5, sinubukan mismo ng mga guro ang virtual meeting para pag-usapan at sanayin ang kanilang modules sa pagtuturo. Isinagawa ito noong Agosto 20, 26 at 28.
Habang nasa brainstorming ay pinakikiramdaman ng mga guro kung ano ang magiging problema kapag umarangkada na ang online class.
Bukod sa pag-uusap sa mga mechanics ng kanilang pagtuturo, nais ding malaman ng mga guro kung ano ang negative side ng E-Learning.
Sakaling matukoy kung ano ang kahinaan ng online class ay muling mag-uusap ang mga guro para agad itong remedyuhan upang maging epektibo ang kanilang pagtuturo.
Inaasahan ding hahanap ng panibagong istilo ang mga guro para maunawaan ng kanilang mga mag-aaral ang leksyon dahil sa limitadong interaksyon.
Naging tema naman ng pagpupulong ng mga guro ang magkaroon ng bayanihan para sa edukasyon ng kabataan.