Campus

MGA ESTUDYANTENG LUMAD PASOK SA UP DILIMAN

/ 20 September 2020

MAINIT na binati ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas Diliman ang anim na estudyanteng Lumad sa kanilang pagpasok sa UP.

Nagdagdag ang unibersidad ng anim na slots sa kursong Filipino 40: Wika, Kultura, at Lipunan na laan para sa mga mag-aaral ng Lumad Bakwit School. Sila ay naka-enroll sa kategoryang special student without credit.

Ang Filipino 40 ay isang general elective course na may layuning maipaliwanag ang kalikasan at kasaysayan ng Wikang Filipino, mapagtagni ang relasyon ng wika sa kultura at lipunan, maunawaan ang kapangyarihan ng Filipino sa paghubog ng identidad, kasarian, lahi, at uri, at mailapat ang bisa ng wika sa usaping edukasyon, midya, batas, pamahalaan, at iba pang institusyon.

Si Prop. Jose Monfred Sy ang instruktor na hahawak ng espesyal na klaseng ito. Siya ay kasalukuyang nag-aaral ng MA Araling Pilipino sa parehong departamento. Siya rin ay nagtapos bilang Summa Cum Laude sa kursong BA Comparative Literature.

Si Sy ay guro sa Save our Schools Network, dating naglingkod bilang Chairperson ng College of Arts and Letters Student Council, miyembro ng organisasyong KATRIBU, at isang aktibong tagapagtaguyod ng karapatang pang-edukasyon ng mga Lumad at ng Indigeneous Peoples sa Filipinas.

Nagpasalamat naman ang DFPP sa iba’t ibang puno at institusyon ng UP para sa matamis nilang aprubal sa makasaysayang akademikong taon na ito.

“Nagpapasalamat ang UP DFPP kay G. Jose Monfred Sy na mangangasiwa ng Filipino 40 class na ito, sa Kolehiyo ng Arte ng Literatura at kay Dekana Amihan Bonifacio Ramolete, kay Dekana Mitzi Marie Aguilar-Reyes ng UP College of Fine Arts, kay Chanselor Fidel R. Nemenzo ng UP [Diliman], sa Save Our Schools Network sa pamamagitan ni G. Rius Valle, at sa mga kasamang guro na si Prop. Clod Yambao at Prop. Sharon Pangilinan, para sa pagkakataong ito,” sabi ng DFPP sa Facebook Page.