Campus

MATAPOS MAG-TREND NG MGA REKLAMO: 5% TUITION SURCHARGE INALIS NG UE?

/ 25 May 2021

INALIS na ng University of the East ang 5 porsiyentong surcharge sa unpaid tuition, ayon sa ulat ng mga mag-aaral.

Ayon sa kanila, biglang nawala sa UE Student Portal ang ipinatong na bayarin sa mga ‘di pa natutugunang tuition and other fees.

Walang anumang anunsiyo o balita mula sa pamunuan ng UE. Hindi rin tiyak ng mga mag- aaral kung glitch lamang ba ang nangyari.

Nangangamba naman ang ilan na baka bumalik ang surcharge o mas tumaas pa ang mga umano’y ‘di maka-estudyanteng dagdag-bayarin na sinisingil ng pamantasan.

Sa kabila nito, tuloy ang laban ng mga estudyante para sa kapakanan ng Red Warriors. Naniniwala rin silang ang pag-atras ng surcharge ay bunga ng kolektibong aksiyon ng konseho at ng iba pang aktibo sa pakikipaglaban para sa karapatang makapag-aral.

“Hindi man lang ba naisip ng UE Admin, Finance, at Legal Department nila na unconscionable ang surcharge nila? Ginagawa nilang katawa-tawa mga officials nila. Hahaha. Kumusta naman mga abogado nila sa legal department, anong defense kaya meron sila,” komento ni Joachim Tiu.

Matatandaan na noong nakaraang linggo’y umingay sa social media ang “internet rally” ng mga mag-aaral matapos na ianunsiyo ng UE ang dagdag 5 porsiyentong surcharge sa mga inalis na iskolar.

Dagdag pa, ipinipilit ng administrasyon na bayaran na ang mga utang bago ang Hunyo 30 para ‘di magkaaberya at maragdagan ang monetary penalty.

Wala pang pahayag ang UE Finance Department at si UE President Ester Garcia hinggil sa bagay na ito.