MARTIAL LAW COURSE ITINUTURO NA SA UP LOS BAÑOS
BINUKSAN na ngayong semestre ang pinakabagong general education course sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños na tumatalakay sa malalagim na pangyayaring dulot ng Batas Militar.
Isang three-unit general education elective course ang Philippine Studies 21: Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas na maaaring kunin ng sinumang undergrad.
Layunin nitong matalakay ang mga batayang konsepto at diskurso ng batas militar – layunin, kalikasan, at katangian ng pamumuno ng estado sa ilalim ng batas militar, kasama na ang mga diskursong nagpapatatag sa pagpapairal nito gamit ang mga produksiyong pangwika, pampanitikan, at pangkultura.
Susuriin din sa PS 21 ang epekto ng kultura ng Batas Militar sa kalagayan at kamalayan ng tao at lipunan, sa pang-araw-araw na buhay na nagluwal ng mga kontra-diskurso at iba’t ibang tugon sa Batas Militar gaya ng sa karapatang-tao, katarungang panlipunan, kasarinlan, kalayaan at demokrasya, pag-iral ng batas, pamamahalang sibilyan, at mga kalayaang sibil gamit ang mga akdang pangwika, pampanitikan, at pangkultura.
Kawing pa sa kurso ang mga piling akdang pangwika, pampanitikan, at pangkultura upang maunawaan ang mga konsepto ng kapangyarihan, estado, makauring interes, kolonyalismo, imperyalismo, neokolonyalismo, pasismo, diktadurya, demokrasyang bayan, demokrasyang elit, at seskuwalisasyon ng mga kasangkapan sa pandarahas.
Nauna nang itinuro ang PS 21 sa UP Diliman at UP Cebu simula 2019 at sa panahon ng paggigipit at patuluyang pagbabago sa kasaysayan ng pamilya ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos ay mas nakikitaan pa ito ng halaga.
Limang seksiyon ang binuksan ng Departamento ng Humanidades at Departamento ng Agham Panlipunan na pinamumunuan nina Prop. Laurence Castillo, Prop. Roderick Javar, at John Carlo Santos.
Umaasang magpapatuloy ang pagtuturo ng PS 21 sa UPLB hanggang sa mga susunod pang akademikong taon.
Pangarap ding maituturo ito sa loob at labas ng Sistemang UP nang maraming kabataan ang matuto mula sa aral ng kasaysayan, hindi sa TikTok o Facebook na kadalasa’y pinuputakte ng fake news at historical “distortions”.