MARIANO MARCOS STATE UNIVERSITY NAGSAGAWA NG TRAINING-WORKSHOP
NAGSIMULA na ang unang Brave, Understanding, Knowledgeable, Excellent Leaders training- workshop ng Mariano Marcos State University para sa Student Affairs and Services Coordinators ng pamantasan noong Setyembre 4.
Sa pangunguna ng MMSU Office of Student Affairs and Services, ang palihan ay may layuning tumugon sa pagkakaroon ng mas maka-estudyanteng polisiya at programa ngayong nahaharap ang buong Filipinas sa malalang krisis dulot ng Covid19.
Pinag-usapan sa BUKEL ang roadmap proposal ng OSAS tungo sa mas personalized na lapit sa bawat mag-aaral na nangangailangan ng tulong sa panahon ng pandemya na para kay Dr. Elizabeth Marfel Gagni, Direktor ng OSAS, ay kailangang mas pag-ibayuhin at ipagpatuloy, lalo pa ngayong walang katiyakan kung kailan matatapos ang patong-patong na suliraning panlipunan.
Ipinaliwanag ni Gagni na ang BUKEL training-workshop ay ang pinakamainam na unang hakbang tungo sa inaasam na kinabukasan ng MMSU para sa lahat ng inaalagaan nitong mag- aaral.
Ikinatuwa naman ni University President Dr. Shirley Agrupis ang inisyatiba. Sinabi niya na lahat dapat ng higher education institution ay maging development-oriented gaya ng MMSU.
Sustainable Mental Health Activities, Gender-Sensitive Student Activities and Programs, Revisiting the Roles of Student Affairs Coordinators, at Student Activities in the New Normal ang mga tinalakay na paksa sa BUKEL.
Naging tagapagsalita ng programa sina Dr. Geraldeen B. Pascual, Puno ng Student Welfare; Prop. Milagros B. Barruga, Puno ng Institutional Student Programs and Services; Dr. Jan Rich A. Guira, Puno ng Student Development; at Engr. Marcia Gabriel, dating Faculty Regent.