Campus

MAG-AARAL NA WALANG PAMBILI NG GADGET HUMINGI NG TULONG SA SOCIAL MEDIA

/ 8 September 2020

ILANG estudyante na walang pambili ng gadget na gagamitin sa distance learning ang lumapit  sa social media upang manawagan ng tulong.

Isa rito ang incoming freshman student na si Jericho Balolong, na kukuha ng kursong Bachelor of Science in Electronics and Communication Engineering sa Colegio de Dagupan sa Pangasinan.

Ayon kay Balolong, hindi pa niya alam kung paano itutuloy ang kanyang pag-aaral lalo na’t wala siyang gagamiting laptop o kahit anong gadget para sa online classes.

Nagbabakasakali siya  na sa pamamagitan ng #PisoParaSaLaptop, isang panawagan sa social media, makakaipon siya ng sapat na pera na pambili ng laptop.

“Nakita ko na po ang campaign na ito pero medyo nahihiya po kasi ako. Hanggang sa makita ng aking ama sa TV at sinabing subukan ko raw po at baka may tumulong,” pahayag ni Balolong.

Bukod sa walang gadget at internet access na maaaring gamitin sa nalalapit na pasukan, panakanaka rin umano ang trabaho ng kanyang ama na isang mangingisda. Ang kanyang kuya naman ay isang construction worker at hindi sapat ang kinikita ang kanyang ina sa pagtitinda sa kanilang munting sari-sari store.

Malaki ang agam-agam ni Balolong.

Simula kasi pagkabata ay student achiever na siya. Sa katunayan, nagtapos siya ng Senior High School ‘with honors’ at nagkamit din ng iba’t ibang parangal sa Science at Math Quiz Bees sa kanilang paaralan.

Pangarap ni Balolong na maging engineer. Kung makakatapos siya, siya ang kauna-unahang college graduate sa kanilang pamilya.

“Gusto kong makapagtapos ng pag-aaral para matulungan ko ang aking mga magulang at maipaayos ang aming bahay. Ginagawa po nila lahat ng kanilang makakaya upang makapagtapos ako dahil sila mismo ay hindi nakapagtapos,” wika ni Balolong.

“I have a choice naman para mag-stop ng pag-aaral sa school year na ito pero determinado po talaga akong makapagtapos ng pag-aaral at maka-graduate,” dagdag pa niya.

Isang linggo bago ang pagbubukas ng kanilang klase ay kulang pa rin ng P6,000 ang pambili niya ng laptop.

“Kulang pa po at buti na lang po na-move ang pasukan namin from Sept. 7 to Sept. 14. Kaya may isang linggo pa ako para makapag-ipon. Nakausap ko kasi si nanay at tinanong ko paano kung kulang pa ang naiipon kong pera para sa pambili ng laptop at sinabi niyang gagawan daw ng paraan—mangungutang daw siya sa mga kakilala niya,” pahayag ni Balolong.

Sa mga nais tumulong sa kanya, maaaring magpadala ng donasyon sa Gcash account ng kanyang nanay o sa Palawan Express.

 

GCASH:

Monette Balolong

09294795068

 

Palawan Express:

Jericho B. Balolong

09294795068

Dagupan City