LOKAL NA KASAYSAYAN NG GUMACA AT SARIAYA, QUEZON TINALAKAY SA KAS-TOKS
MASIGLANG talakayan tungkol sa kasaysayan at pamanang bayan ng Gumaca at Sariaya, Quezon ang pinakabagong tampok ng Kas-Toks: Kasaysayan Talks with Your History Profs hatid ng History Division, Department of Social Sciences, University of the Philippines Los Banos noong Oktubre 30.
Ang bahaginan ng kahalagahan ng mga museo at ang pagpapaunlad ng lokal na kasaysayan ay pinangunahan ng mga imbitadong tagapagsalita na sina Princess Mhay Hernandez ng Gumaca at Eric Dedace ng Sariaya.
Ilan sa mga puntong inihatid nila sa mga manonood ay ang matingkad na ugnayan ng turismo sa larangan ng public at academic history sa paraang propesiyonal. Kaakibat nito ang ilang punto sa kung paano mabisang masasaliksik ang salaysay na may saysay mula sa mga mamamayang tubo sa isang bayan, partikular kung ang kauusapin ay matanda na subalit may bitbit na mayamang kaalamang makapagpapakilala pa nang lubos sa identidad ng naturang bayan at ng Filipinas sa kalakhan.
Ang ganitong mga gawai’y may pagtatangi sa oral na tradisyon, gaya ng mga kuwentong-bayan, epiko, lumang awitin, kasabihan, at iba pang ipinapasang-dila, bilang mabisang impukan-kuhanan ng kasaysayan.
Ayon kay Hernandez, ang mga rendisyon o bersiyon ng aturang mga teksto ay bakas ng pagbabago sa lipunan.
Pangongolekta ng mga artefakto naman ang dagdag na mensahe ni Dedace sa mga tagapanood, na sa tuwing maglalakbay, makikipanayam, o makikipamuhay, ang pagtatabi ng mga ‘souvenir’ at retrato ay dapat na kaugalian para may kongkretong patunay ng tradisyon at kulturang pinamuhayan ng mga mamamayan sa isang ispesipikong bayan.
Panghuli, nang tanungin kung ano ang mga hamong naranasan nina Hernandez at Dedace sa pananaliksik, dagling sagot ay ang karahupan ng mga sabjek o respondante.
Sa isang Facebook comment ni Dedace sa katanungan ni Prop. Reidan Pawilen, sinabi niya na, “Ang ilan pong hamong naranasan ko sa pananaliksik at pagsusulat ay ang kakulangan na po ng mga makakausap na mga matatandang kababayan na nakakaalam pa ng mga kuwentong bayan at mga mahahalagang pangyayari sa lokal na kasaysayan, ang kawalaan ng historical records sa mga inaasahan mong mayrooon gaya ng public library, ang minsang hindi pagkakatugma ng mga petsa ng mga pangyayari mula sa mga panayam kumpara sa nakasulat na, ang pagsasalin ng mga kinakailangang kaalamang nasusulat na sa mga ‘archive’ mula sa wikang Kastila patungo sa wikang Ingles upang maisalin na rin sa Tagalog, at ang malaking kagastusang kinakailangan upang maisakatuparan ito, maging ang panahong gugugulin sa pagluwas sa Maynila…”
Kaututang-dila rin ng mga panauhin sina Prop. Gilbert Macarandang, Prop. Ryan Pawilen, Prop. Bernie Arellano, at Prop. Jeff Asuncion.
Ang Kas-Toks ay masusubaybayan dalawang beses isang buwan sa opisyal nitong Facebook page, facebook.com/KasaysayanTalks. Halinhinan ang mga propesor ng Kasaysayan sa UPLB sa pagbabahagi ng mga usaping makatutulong sa pagpapaunlad ng kasaysayan at lipunan.