LIMITADONG F2F RECOGNITION DAY SA LASAM ACADEMY
UPANG bigyang kasiyahan ang mga mag-aaral, nagsagawa ng limitadong face-to-face Recognition Day ang Lasam Academy sa Lasam, Cagayan kamakailan.
Sa kanilang Facebook page ay inanunsiyo ng eskuwelahan ang pangalan ng mga natatangi at masisipag na mag-aral na estudyante na nagkamit ng matataas na grado.
Dahil ang Cagayan ay kasama sa mga lugar na nasa ilalim ng modified community quarantine, ikinasa ang Recognition Day subalit sa limitadong kapasidad lamang alinsunod sa itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease.
Ayon sa IATF resolution, papayagan ang pagsasama-sama sa hindi kulob na lugar, limitadong kapasidad at dapat sumunod sa health protocols upang maiwasan ang Covid19 contagion.
Isa sa mga guro na ayaw ipabanggit ang pangalan ang nagpahayag na nagsagawa sila ng face-to-face Recognition Day upang maitaas ang morale ng mga mag-aaral na kahit pandemya ay ganahan sa pag-aaral.
Marami, aniya, ang nakaranas ng depresyon nang hindi makalabas ang bahay at mag-aral gamit ang gadget.