Campus

LIGTAS NA BALIK-ESKWELA SIGAW NG MGA ESTUDIYANTE

NGAYONG  mahigit isang taon nang hindi nakababalik sa loob ng silid-aralan ang mga kabataan dahil sa pandemya, lalong umingay ang panawagan para sa #LigtasNaBalikEskwela dahil sa anila’y pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

/ 31 July 2021

1st Anniversary Special Report

NGAYONG  mahigit isang taon nang hindi nakababalik sa loob ng silid-aralan ang mga kabataan dahil sa pandemya, lalong umingay ang panawagan para sa #LigtasNaBalikEskwela dahil sa anila’y pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Patunay rito ang mga kuwento ng ilang estudyante sa social media tungkol sa kanilang hindi magandang karanasan sa bagong moda ng edukasyon kung saan tila napag-iiwanan na sila sa mga aralin.

Isa sa pinakatampok ang kuwento ni Catherine Candare mula sa Leyte Normal University na naiyak na lamang nang hindi siya nakapag-present sa klase dahil sa bagal ng internet.

Ilang mambabatas na rin ang nagtutulak ng pagpapatuloy ng face-to-face classes dahil ‘anti-poor’ umano ang polisiyang ito ngunit walang pinatunguhan.

Kaugnay nito ay kumausap ang The POST ng ilang estudyante mula sa mga kolehiyo at pamantasan sa Metro Manila upang ibahagi ang kanilang karanasan sa distance learning.

Ayon kay Michaella Ruiz ng Polytechnic University of the Philippines, limitado lamang ang puwedeng gawin sa distance learning at mas epektibo ang face-to-face classes para sa kanyang kurso na Journalism na kinakailangan ng ‘real world experience’ upang mahasa ang kanyang skills.

Nagpahayag ng parehas na karanasan si Roscia Adorable na kumukuha ng kursong Communication sa Far Eastern University.

“Nagagawa pa rin ito sa online na set-up, ngunit dahil na rin sa hindi lahat ay kayang maka-cope rito ay hindi na rin nagiging dinamiko ang diskusyon kumpara sa tradisyunal na set-up,” sabi ni Adorable.

Sinegundahan naman ito ni George Henry Abayari na kumukuha ng kursong Nursing sa National University at sinabing hindi na siya natututo dahil sa mga nararanasan niyang interruptions habang nag-aaral.

“Mas marami rin ang pinapapasa at pinagagawa sa distance learning na nagdudulot na lamang ng paggugugol ng oras sa paghahanap lamang ng sagot at hindi pag-aaral nang mabuti sa mga ito. Para akong papasok sa klase para lamang mag-comply ng requirements at hindi na para matuto,” pahayag ni Abayari.

Inihalintulad naman ni Polynne Dira na nag-aaral ng Economics sa University of the Philippines Diliman sa makina ang kaniyang sarili sa ilalim ng bagong moda ng edukasyon.

“Para akong machine na lang sa likod ng computer. Malaki ang pasasalamat at appreciation ko sa mga prof na sinusubukan talagang maging masaya at wholesome ‘yung klase, pero iba ‘yung pagod, ‘yung disconnect na napi-feel mo kapag distance learning,” ayon kay Dira.

Iba naman ang paniniwala ni Erika Valdez na kumukuha ng kursong Biology sa Our Lady of Fatima Valenzuela sa distance learning at sinabing hindi pa siya komportable kung babalik ang face-to-face classes hanggang  hindi pa nakakamit ng bansa ang herd immunity.

“I won’t say na mas natututo ako sa distance learning. Pero masasabi ko naman na may mga natututunan din ako,” sabi ni Valdez.

Sa kasalukuyan, piling pamantasan na may medical-related courses lamang ang pinapayagan na magsagawa ng face-to-face classes.

Iminumungkahi naman ni Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera III ang pagsasama sa sektor ng edukasiyon sa priority list ng mga babakunahan upang mas mapabilis ang pagbabalik ng face-to-face classes sa bansa.

Samantala, kinalampag ng United Nations International Children’s Emergency Fund ang mga gobyerno na piliting buksan na ang mga paaralan dahil ang pagpapatuloy ng distance learning ay magdudulot umano ng “generational catastrophe.”

Dagdag ng UNICEF, magreresulta ang delay sa permanenteng pag-alis ng mga kabataan sa paaralan na maaaring magresulta sa mas maraming kaso ng pang-abuso.

Ang  School Year 2021-2022 ay magsisimula sa Setymebre 13, 2021 sa ilalim ng flexible learning program.