LIBRENG ONLINE TUTORIAL ALOK NI SIR
UPANG makatulong sa mga estudyante sa distance learning, nag-alok ang isang guro ng libreng online tutorial para sa mga ito.
Nais ni Sid Bilangel, isang propesor sa Adamson University, na magbigay ng libreng pagtuturo para sa mga estudyante na nahihirapan sa Mathematics.
Sa kanyang Facebook post, sinabi niya na marami ang nahihirapan sa online classes kung kaya nais niyang makatulong.
“Alam ko maraming nahihirapan sa online class, at ako miss ko na ring magturo, sa gusto po ng Mathematics tutorial, libre po, walang bayad. Message po kayo sa akin for schedule, 1 hour per session lang ha, para mabigyan din natin ng time iyong iba,” sabi niya.
Dagdag pa niya, kaya ito libre ay dahil gusto niyang maibahagi ang kayang talento na ibinigay sa kanya ng Diyos.
“Simula elementary hanggang sa masteral degree ko, goverment school po ako. Gusto ko lang din i-share iyong naging tulong din sa akin ng government at kung anong talento na ibinigay sa akin ni God,” ayon pa kay Bilangel.
Dahil dumarami na ang nais magpaturo, aminado naman siya na hindi niya kayang tugunan ang lahat ng ito subalit bukas pa rin siya para sa ilang katanungan, lalo na ng mga magulang na siyang karamihang nais magpa-tutor sa kanya upang maituro rin sa kanilang mga anak.