LEARNING MODULES SA ISANG ELEMENTARY SCHOOL SA DAVAO CITY NAABO
NAABO ang printed learning modules sa Congressman Manuel M. Garcia Elementary School sa Agdao, Davao City, Davao Del Sur makaraang madamay ang bahagi nito sa isang sunog na naganap sa isang boarding house na malapit dito.
Batay sa report, nangyari ang sunog noong Setyembre 3 sa Brgy. Leon Garcia sa naturang lungsod.
Inabot din ng sunog ang isang Pagcor two-storey building na eskuwelahan kung saan walo sa mga silid-aralan nito ang tinupok ng apoy.
Kasama sa mga nasunog ang 32 computer sets, tatlong printers, dalawang TV, photocopier machine, laptop at iba pa.
Ang mga nasunog na printed modules ay para sa Kinder hanggang Grade 6 at gagamitin sa school year 2020-2021.
Ayon kay Department of Education Regional Director Evelyn Fetalvero, arson ang tinitingnan anggulo sa sunog dahil nagkaroon ng away sa katabing lugar nito.
“Arson daw po. May nag-away daw at sinunog ang isang boarding house na malapit sa school namin. Very populous daw ang area. Kumalat ang apoy at nahagip ang school buildings namin,” pahayag niya sa isang text message sa The POST.
Ayon pa kay Fetalvero, nagtutulungan ang DepEd at ang lokal na pamahalaan upang makapag-reprint ng modules na gagamitin sa pasukan.
Bagaman isang buwan na lang ay magbubukas na ang klase, tiniyak niya na hahabulin nila ang pagre-reprint at pamamahagi ng modules bago ang Oktubre 5.
Nasa 771 estudyante ang apektado sa sunog.