KUWENTONG ATING-ATIN TAMPOK NG SENTRO RIZAL ‘SA KUWENTO NATIN’
INILUNSAD ng Sentro Rizal ng National Commission for Culture and the Arts, sa unang araw ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, ang “Sa Kuwento Natin: E-Storytelling ng mga Katutubo at Orihinal na Alamat ng Filipinas” – isang koleksiyon ng mga panitikang-bayan o poklor na muling isinalaysay ni Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario para itanghal ang mayaman, katutubo, at orihinal na pamanang pangkultura ng Filipinas.
“Binuo ng Sentro Rizal ang proyektong ito para sa inyo, sa tulong ng National Commission for Culture and the Arts, LIKHA-AN, at Adarna House, at inaasahan naming magiging makabuluhang bahagi ng serbisyo ng Sentro Rizal para magpalaganap ng mga wastong impormasyon tungkol sa kultura ng Filipinas. Isang paraan din po ito ng pagsagot ng Sentro Rizal sa napakaraming mga kahilingan na magdulot ng maraming kaalaman tungkol sa ating kasaysayan at lalo na tungkol sa mga bagay na makapagpapasigla sa diwang Filipino,” pambungad na paliwanag ni Almario tungkol sa buod ng proyekto.
Ipinaliwanag niya na “Sa Kuwento Natin” ang pamagat ng proyekto dahil pangunahing layunin nito na magdulot ng mga kuwentong maipagmamalaki ng mga Filipino bilang ganap na ‘atin’, yaong masasabing hindi hinaluan ng anumang dayuhang lahi, na maituturing nating kuwento mula sa mga ninunong Filipinong bumabagtas sa identidad ‘natin’.
Tampok sa unang kabanata ang kuwentong Manama at si Ogassi ng mga Manobo. Susundan ito ng Pandaguan, Si Tungkung Langit at Alunsina, Manik Buangsi, at Umibig si Bugan; tatlong alamat at dalawang kuwento ng pag-ibig ng isang taga-langit at isang taga-lupa.
Abangan ang “Sa Kuwento Natin” tuwing Sabado sa buong buwan ng Agosto, 6 n.g., sa Sentro Rizal YouTube channel. Ang proyekto ay pinangungunahan ni Almario, kasama ang punong-tagapagpaganap ng proyekto Eilene Antoinette Narvaez, storyteller Ada Tayao, Ilustrador Nina Martinez, Direktor Malcolm Velazco, Tagapag-ugnay Alya Rodriguez, Voice-Over ni Anne Luis, at Musika ni Jashael at ng Bayanihan National Folk-Dance Company.