Campus

KLASE SA MSU ISANG LINGGONG SUSPENDIDO

/ 6 December 2023

KASABAY ng pagbabalik sa normal ng sitwasyon, nagpatupad ng isang linggong bakasyon o suspensiyon ng klase sa Mindanao State University sa Marawi City, Lanao del Sur.

Ito ay upang makapagpahinga ang mga mag-aaral at mag-alis ng takot makaraan ang pambobomba sa kanilang gymnasium noong Linggo ng umaga.

Ayon kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr., nagpasya ang pamunuan ng MSU na pauwiin muna ang mga estudyante sa kani-kanilang bahay o kalapit-bayan at probinsya upang makasama ang kanilang mga pamilya.

Habang ang ilang estudyanteng Kristiyano ay nananatili sa campus.

“Naging pasya ng MUS na magsuspinde ng pitong araw na klase para umuwi at magkaroon ng oras na makasama ang kanilang pamilya, ang mga Kristiyano na estuydante ay hindi naman umuwi,” sabi ni Adiong.

Panahon din, anya, ito para makapaghanda ang mga estudyante sa kanilang napipintong examination.

“Examination week sa MSU, so, extend ng 1 week para mabigyan ng oras ang mga estudyate,” anang gobernador.

Pinawi naman ng gobernador ang alalahanin ng mga magulang ng mga estudyanteng nanatili sa campus dahil nagdagdag na ng puwersa ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.

Nanawagan naman ang gobernador sa publiko na huwag magtaka kung bakit may mga sundalo at pulis sa loob ng campus.

Paliwang ni Adiong, ang MSU ay may sariling security forces, at makakapasok lamang ang militar at pulis kapag may pahintulot at may kautusan.

Magugunitang noong Linggo ay naganap ang pagsabog sa loob ng gymnasium ng unibersidad na kumitil sa buhay ng apat katao at sumugat sa 53 iba pa.