KALAYAAN COLLEGE MAGBIBIGAY NG DEKALIDAD NA EDUKASYON
HINDI patitinag sa pagbibigay ng serbisyo ang Kalayaan College – ang kolehiyong itinatag ng samahan ng mga propesor mula sa Unibersidad ng Pilipinas para magbigay ng delikalidad na edukasyon kahit na nahaharap ang Filipinas sa krisis pangkalusugan.
Sa darating na Setyembre ay pormal nang magsisimula ang distance learning classes sa KC bitbit ang prinsipyong maka-Filipino at makamamamayan mula sa batikan at pinagpipitaganang mga propesor ng Pagnenegosyo, Edukasyon, Humanidades, Komunikasyon, Panitikan, Agham Panlipunan, at Agham at Teknolohiya.
Itinatag ni dating UP President Jose Abueva noong 2000, layon ng KC na makaagapay ng UP at ng CHED sa pagtataas ng kalidad ng edukasyon sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kalaaman sa sinumang nagnanais matuto at makapagkolehiyo nang hindi nagbabayad ng mahal na matrikula at iba pang hindi maipaliwanag na gastusin.
At bagaman nahaharap din ang KC sa ‘suliranin’ dahil sa baba ng bilang ng enrollees, sinisiguro ng pamunuan na hindi sila magsasara at magpapatuloy pa rin sa adbokasiyang kiling sa laksang masa.
Uutilisahin ng kolehiyo ang synchronous at asynchronous na moda ng pagtuturo at pagkatuto. Mamamahagi rin sila ng libreng modules at reading materials – printed at e-copy – sa sinumang nais mag-aral subalit nagdarahop sa gadget o internet connection.
Ilang mga espesyal na seminar, talakayan, bahaginan, at mga online na aktibidad din ang inihanda ng KC para sa mga mag-aaral na sinisigurong ihahatid ng mga mahuhusay na propesor mula sa UP Diliman at iba pang kaagapay nitong kampus.
Para naman mapanatili ang kalidad ng edukasyon, lahat ng mga propesor at instruktor ay nagtapos o kasalukuyang may ugnayan sa Sistemang UP.
Kasama ni Abueva sina Prop. Gonzalo Jurado, Prop. Virginia Carino, Prop. Oliva Domingo, Prop. Emeritus Thelma Kintanar, at Prop. Emeteria Lee.
Si Domingo ang tumatayong pangulo ng KC sa kasalukuyan. Katuwang niya sa pangangasiwa si Prop. Antonio Lazaro, ang College Registrar.
Para sa impormasyon tungkol sa enrollment o sa mga kursong maaaring kunin ngayong akademikong taon, bisitahin lamang ang www.kalayaan.edu.ph