“IT’S A PRANK?” QC UNIVERSITY NAG-SORRY SA MALING SCHOLARSHIP ANNOUNCEMENT
HUMINGI ng paumanhin ang pamunuan ng Quezon City University Scholarship and Placement Alumni Relations Division matapos na magkamali sa announcement na ipinost sa Facebook hinggil sa scholarship stipend na matagal nang inaasahan ng mga mag-aaral.
Umaga ng Mayo 11 nang ibalita ng QCU na tumatanggap na ng aplikante para sa scholarship ng Department of Social Welfare and Development. Ayon sa mga mag-aaral, ito ang isa sa mga pinakainaabangan nilang aplikasyon dahil P5,000 ang maaaring matanggap ng mga matatanggap sa DSWD.
Subalit nagulat ang lahat nang bigla itong burahin sa Facebook. Saglit pa’y humingi ng paumanhin ang pamunuan sapagkat nagkamali lamang umano sila ng pagpapaskil.
“We would like to apologize for sharing the wrong post earlier. Thank you for understanding,” wika ng QCU SPARD.
Dinumog sila ng mga mag-aaral at kritiko.
“Ahh…saying, fake news pala,” komento ni Vincent Enriquez
“Sanay na po kaming pinapaasa, char,” sabi ni Harris Rivas.
“HALAAAA UMASA PO AKO KELAN PO KAYA ULIT MAGKAKARON???” wika naman ni Ellah Oblenida.
Ayon sa mga nagbahagi, malaking tulong ang DSWD scholarship para mabayaran nila ang mga kahingian ng mga mag-aaral. Mayroon pang nagsasabing ito ang natatangi nilang inaasahan para makapagbayad ng matrikula.
“Naku, ‘wag kami pinaprank lalo na gipit na kami,” susog ni Jannelle Rosal.
Samantala, positibo pa rin si Edpaolo Laudit kahit na binawi ng QCU ang naunang anunsiyo. “Meron ‘yan antay lang tayo. Magkakaroon din tayo pang tuition.”
Wala pang karagdagang pahayag ang QCU. Hindi rin alam ng mga mag-aaral kung kailangan nga ba muling bubuksan ang naturang scholarship program.