IREGULARIDAD SA UE MANILA STUDENT COUNCIL ELECTION NABUKING
LANDSLIDE ang pagkawagi ng Sandigan sa Silangan kontra Kaisa Ka sa katatapos lamang na University of the East Manila Student Council Elections noong Abril 30.
Gayunpaman, isang araw matapos ang canvassing of votes, naobserbahan ng dalawang partido ang iregularidad sa bilang ng boto.
Nauna nang hinamon ng Kaisa Ka ang UE Commission on Elections matapos rebyuhin ang hindi talyadong bilang sa dalawang kandidato sa USC Auditor position.
Gabi noong eleksiyon inilabas ng Comelec na si Steven Brian Castor ng Sandigan ang nagwagi ng higit sa dalawang libong boto. Subalit, pinagtakhan ng Kaisa Ka ang kakarampot na boto ng kanilang kandidato. Anila, tila imposibleng 263 lamang ang nahakot ni Angelica Corpuz mula sa halos 4,000 botante.
Kagyat na naglabas ng pahayag ang pamunuan ng Kaisa Ka na humahamon sa resulta ng halalan.
Sa isang Facebook post nasusulat, “Kaisa Ka political party will file an electoral protest before the Commission on Elections to challenge the announcement of Ang Sandigan sa Silangan’s Steven Castor as the winner for the University Student Council Auditor.”
“This came after the political party noticed a suspicious low turnout of votes for Kaisa Ka’s bet Angelica Corpuz, who only garnered 263 votes, despite running for a University-wide post.
In a press release dated May 1, the Kaisa Ka party believes that anomalies happened, to which the Comelec admitted its fault.”
Nang beripikahin ng Comelec ang voter turnout noong Mayo 1, lumabas na 2,539 ang aktuwal na boto ni Corpuz; mas mataas sa 1,958 ni Castor. Samakatuwid, mali ang anunsiyo ng panalo at tunay ngang may anomalyang nangyari sa bilangan ng online na balota.
Imbes na aksiyunan, pinanindigan ng Comelec ang pagkapanalo ni Castor saka sinabing aayusin lamang ito kung susunod ang Kaisa Ka sa tamang proseso ng electoral protest.
Samantala, sa ngalan ng prinsipyo, dagling naglabas ng pahayag ang kampo ng Sandigan. Ipinahahatid nila ang pag-atras ni Castor sa kandidatura at ang buo nitong suporta kay Corpuz na malinaw na nagwagi sa Student Council elections.
Humihingi rin ang Sandigan ng public apology thru video message sa lahat ng miyembro ng Comelec, kasabay ng paliwanag sa kung bakit nagkaroon ng iregularidad sa dapat sanang matiwasay at mapayapang halalang pangmag-aaral.
“Ang Sandigan sa Silangan acknowledges and fully respects the decision of the students in the recently concluded 2021 University of the East Student Council Elections. The political party has also demanded a public apology from all the officials of the Commission on Elections for the ‘humiliation’ caused by the ‘mishandling’ of their results.
“We are also demanding a public apology — through video — from all officials of the Commission on Elections for the humiliation caused by their blatant mishandling of the tallying and announcement of results which was announced to thousands of UE students,” dagdag ng partido.
Wala pang tugon ang administrasyon ukol dito. Subalit sa kabila ng kabagalan ng aksiyon ay nagkaisa pa rin ang mga mag-aaral na galangin ang inihalal ng kanilang nasasakupan.
Ito ang unang pagkakataong nagkaroon ng purely online elections sa pamantasan dahil ipinagbabawal pa rin ang face-to-face classes sa lahat ng unibersidad sa bansa.