Campus

ILANG PRIVATE SCHOOLS TUMATANGGAP PA RIN NG ENROLLEES KAHIT PATAPOS NA ANG SEMESTRE

/ 5 May 2021

NAGULAT ang isang Senior High School teacher mula sa Laguna nang makatanggap siya ng mensahe mula sa isang mag-aaral.

Ayon sa titser, kae-enroll lamang ng estudyante noong Abril at nagtatanong kung maaari siyang kumuha ng pagsusulit para pumasa sa klase.

Kinumpirma ng opisina ang kalagayan ng estudyante at sinabihan ang guro na magbigay ng special test – espesyal, sapagkat pinayagan umano ito na mag-enroll kahit na dalawang linggo na lamang ay matatapos na ang akademikong taon.

Nadagdagan pa ang alalahanin sapagkat batay sa pinakahuling memo ng unibersidad, upang bigyang konsiderasyon ang mga mag-aaral sa panahon ng pandemya ay hindi sila magbabagsak. Ibig sabihin, tiyak na papasa ang bagong enrollee kahit na ni minsa’y hindi ito dumalo sa klase. Basta nakapagbayad ng matrikula ay tiyak na papasa.

Ganito rin ang kalagayan sa isang Kristiyanong unibersidad sa Maynila. Isang mag-aaral na nakapanayam ng The Philippine Online Student Tambayan ang nagsabing wala pa ring gurong nagtuturo sa kanilang major classes dalawang buwan matapos magbayad ng tuition. Sinubukan nilang magtanong sa faculty office at nalaman nilang wala pa palang nakatalagang gurong hahawak ng kurso dahil mas mababa sa 15 ang kabuuang enrollment. Hindi umano mababayaran ang guro kung hindi aabot sa quota kaya naghihintay pa rin ng magpupuno ng classroom o ‘di kaya’y instruktor na handang magturo kahit pansamantalang hindi masasahuran.

Bukod sa dalawang nabanggit, mayroon ding naglipanang private colleges and universities na nag-aalok ng ‘fast track’ master’s degrees sa mga gurong nangangailangang magtapos ng gradwadong aralin. Ang alok nila’y 36 academic units sa isang taon, non-thesis, purely online.

Target nila ang mga nagtuturo ng Grade 11 at 12, lalo pa’t bukod sa lisensiya’y kailangan nila ng MA para makamit ang permanent status.

Walang dedlayn ang enrollment kung nanaisin sapagkat ibinibida ng mga paaralan ang ‘flexible learning’ na isinusulong naman umano ng Department of Education at Commission on Higher Education sa panahon ng pandemya.

Diploma mill?

Bagaman may awtonomiya ang mga pribadong unibersidad na magtakda ng sariling akademikong polisiya, hinaing ng mga guro, na hindi nito dapat pinabababa ang kalidad ng edukasyon.

Ayon kay Jessica Lyka Santos, guro mula sa Mary Chiles College, kahit na online ang modalidad ng pagtuturo at pagkatuto, dapat pa ring mahigpit ang mga ito sa pagtanggap ng mga mag-aaral. Kahit na may  asynchronous schedules at opsiyon na mag-modular o blending learning, dapat pa ring matiyak na nagbabasa, nagsusumite, at nag-aaral nang maayos ang bawat mag-aaral.

“Sinusunod pa rin namin sa MCC ang istandard sa pagtuturo. May deadline ang enrollment at mayroong requirements na ipinapasa ang mga bata. Kinukumusta namin sila at gumagawa ng individual formative assessments nang masigurong may natututuhan kahit may krisis,” sabi ni Santos sa panayam.

“Oo, pamilyar ako sa schools na tumatanggap pa rin ng late enrollees. Talamak sa Manila. Pero late pa rin ba [maituturing] ang mga bata kung magpapakita lang sila sa teachers isa o dalawang linggo bago mag-final exam?

“Nakita ko rin sa Hiring Teachers Facebook Page ang ads ng schools na nag-iimbita ng mga estudyante. Noong una, akala ko para sa susunod na academic year. Pero malinaw na nakasulat na ang ad ay para sa mga nagnanais pang humabol sa papatapos nang semester,” dagdag niya.

Panawagan niya na silipin ng DepEd at CHED ang sistema ng mga pribadong paaralan. Hindi porke online classes ay hahayaan na magmistulang ‘diploma mill’ ang edukasyon.

“Ano [iyon]? Magbabayad lang sila tapos papasa na? Nasaan ang pagkatuto rito?,” dagdag ni Santos.