IKA-156 KAARAWAN NI MABINI IPINAGDIWANG NG GATEWAY GALLERY SA ISANG WEBINAR
BUHAY at ideya ng mabuting pamahalaan mula sa mga panulat ni Apolinario Mabini ang tinalakay ng Gateway Gallery sa unang episode ng KulturaSerye Free Webinar Series ng Gateway Gallery, sa araw ng kaniyang kapanganakan, 23 Hunyo, sa Facebook Live.
Pinangunahan ng imbitadong tagapagsalita, historyador, guro ng Pamantasang Ateneo de Manila, at co-founder ng PROYEKTO, G. John Ray Ramos ang talakayan na pinamagatang “Apolinario Mabini’s Ideals and the Promise of Good Government” na uminog sa mahahalagang pilosopiya, kontribusyon sa rebolusyon, mga akda, anekdota, at mga kuro-kurong bumabalot sa pangalan ni Mabini.
Dinaluhan ito ng mga guro, mag-aaral, at mga historyador mula sa iba’t ibang panig ng Filipinas.
Si John Carlo Santos ng Unibersidad ng Pilipinas ang nagsilbing moderator ng buong palatuntunan.
Ang KulturaSerye Free Webinar ay handog ng Gateway Gallery, sa pangunguna ni Museum Curator Gari Apolonio, at ng J. Amado Araneta Foundation, sa pamumuno ni Executive Director Christine Diane Romero. Mapapanood nang libre ang KulturaSerye minsan isang buwan sa facebook.com/gatewaygalleryPH.