Campus

IFUGAO STATE U AGRI STUDENTS TAPOS NA NG INTERNSHIP PROGRAM SA ISRAEL

/ 28 November 2020

TATLUMPU’T ANIM na Agriculture students ng Ifugao State University ang nakatapos na ng kanilang internship program tungkol sa pagsasaka sa bansang Israel.

Ayon kay IFSU President Dr. Eva Marie Codamon-Dugyon, ang programa, Granot AgroStudies Program o International Center for Agricultural Internship, ay tumagal ng 11 buwan sa pakikiisa ng mga unibersidad sa Israel.

Layon ng internship program na magkaroon ng pagkakaisa ang mga bansang agrikultural sa pamamagitan ng bahaginan ng mga pinakabago at pinakamainam na taktikang pampagsasaka na maaaring paunlarin at palakasin pa sa mga susunod na panahon.

Ang matrikula’y sustentado ng Mashav sa ilalim ng pangangasiwa ng Israel Ministry of Foreign Affairs.

Ayon kay Codamon-Dugyon, 29 na interns ay mula sa IFSU College of Agriculture and Home Science – Lamut Campus. Kasama nila ang 7 mula sa IFSU College of Agriculture and Forestry – Potia Campus.

Ang tagumpay ng internship program ay naisakatuparan kasama ang SUCs-based Association of Colleges and Agriculture in the Philippines, Inc., Commission on Higher Education, Depart-ment of Foreign Affairs – Embassy of Israel, at ang local government units.

Kasabayan ng IFSU students ang 200 Filipinong nakabalik ng Filipinas matapos ang internship sa Israel noong Oktubre 19.