Campus

GRADE 12 STUDENT NAHULOG SA GUSALI SA ALABANG, PATAY

/ 11 February 2023

PATAY ang isang 17-anyos na estudyante matapos mahulog mula sa itaas na bahagi ng gusali ng San Beda College Alabang Huwebes ng tanghali.

Ayon sa Muntinlupa City police, ang biktima ay isang Grade 12 student na nakatira sa BF Homes, Parañaque City.

Base sa report ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-12:05 ng tanghali sa isang gusali ng San Beda College Alabang.

Napag-alaman sa tagapamahala ng canteen sa nabanggit na eskwelahan na nakita niya ang pagkahulog ng biktima mula sa itaas na bahagi ng gusali matapos niyang maiparada ang kanyang minamanehong sasakyan sa harapan mismo ng gusali.

Agad nitong inireport ang insidente sa nabanggit na eskwelahan kung saan tinulungan siya ng isang school nurse at mabilis na dinala ang biktima sa Asian Hospital and Medical Center ngunit huli na ang lahat matapos ideklarang wala na itong buhay dakong ala-1:16 ng hapon.

“This afternoon, February 9, 2023, an unfortunate incident involving one of our students unfolded on campus, leading to the loss of one precious life. This incident all came as a shock to our community. No words could describe the pain we feel as we try to comprehend why such a thing happened. Our prayers are with the deceased’s family as we stand with them and offer profound sympathy,” ani Fr. Gerardo Ma. De Villa, rector at presidente ng kolehiyo.