FEU PROF NA NAGPAPA-EXAM KAHIT ‘DI PUMAPASOK, IPINAHIYA SA SOCIAL MEDIA
MAGKAHALONG galit at tawa ang nararamdaman ng mga mag-aaral ng Far Eastern University matapos na mag-trend sa Facebook ang isang propesor na nagbibigay ng pagsusulit pero hindi naman umano pumapasok.
Mayo 13 nang mag-post sa One FEU Community Facebook Group si Jam Twayne hinggil sa kanyang reklamo sa gurong hindi “nagpaparamdam” sa klase pero patuloy na nagpapasumite ng requirements.
Dali-dali itong pinagkaguluhan ng mga mag-aaral sa loob at labas ng FEU sapagkat tinag niya mismo ang Facebook account ng gurong kanyang inirereklamo.
“Sir Freedierick… pasensiya na po. Pero pano po namin sasagutan ‘yung assignment and quiz sa canvas? Wala po kasi talaga kayong naturo, ni wala rin po kayong paramdam.”
Umani na ito ng 22K reactions at higit 14K shares.
Pinuri siya ng mga Tamaraw sa angkin niyang tapang. Kantiyaw pa nga nila, ipinagmamalaki siya ng tagapagtatag ng paaralan na si Nicanor Reyes.
Sa kabila nito, may mga nagsabing “mali” ang ginawa ni Twayne sapagkat ang mga suliranin ay dapat na unang dinadala sa tamang opisina sa loob ng FEU.
Kung mayroon namang problema sa pagtuturo at pagmamarka, mas mainam kung i- email o personal na kausapin ang concerned faculty member.
Ayon kay Yam Abejuro, “Kung ‘di kayo sigurado sa pinagdadaanan ng prof ninyo at hindi siya sumasagot kahit i-email ninyo siya, contact-in ninyo ‘yung department. Nadadaan naman ito sa diplomasya. Pandemya ngayon, lahat may pinagdadaanan din. Ngayon, kung winalanghiya kayo, i-call out ninyo talaga.”
“May mali ang prof kung ‘di siya nagpaparamdam kahit kaunti tapos magpapa-quiz pa siya, pero kung ‘di mo pa siya nari-reach out sa nangyayari at idinaan mo agad sa social media, hindi rin tama iyon,” dagdag niya.
Bagaman sinasang-ayunan ng kalakhan, tugon ng iba’y ginawa na nila iyan.
Marami na umanong gurong inireklamo dahil sa hindi pagpasok at pagtuturo pero nagbibigay pa rin ng pagsusulit at mababang marka. Ang problema, hindi umano ito inaaksiyonan. Pinababayaan lamang ng pamunuan ang mga guro na tila ba pinoprotektahan pa.
Pagbabahagi ni Israel Panagsagan, “Diyan ako nanggaling.”
“Nakakalungkot, nilamon ng sistema ang piyu. Shoutout sa Dept. ng Communication diyan! May isang prof, sa amin na sobrang pambihirang pumasok then we do that sis, idinaan sa diplomasya at sumulat. Tanong mo. Ano ginawa? Final exam sis. Proceed, ni ‘di man lang kami aware sa kung ano ang ganap at paano namin maiintindihan.”
Kung sa ibang unibersidad, epektibo ang diplomasya, sabi ni Panagsagan, sa FEU, hindi. Mayroon pa umano siyang kaibigang nagpakamatay dahil dito.
Patuloy na pinag-uusapan sa Facebook ang naturang insidente habang deactivated naman na ang account ng propesor.
Wala pa ring reaksiyon o pahayag ang FEU pati ang Central Student Organization sa isyung ito.