ENROLLMENT SA VISAYAS STATE U TUMAAS; LIBRENG MODULES ALOK SA MGA MAG-AARAL
“WE will leave no Viscan behind.”
Ito ang pahayag ni Visayas State University President Edgardo Tulin sa kauna-unahang birtuwal na on boarding ng mga mag-aaral sa unang semestre ng 2020-21.
Para matiyak na walang maiiwan, sinabi ni Tulin na nakikipag-ugnayan ang VSU sa pamahalaan, mga pribado at pampublikong organisasyon, at mga indibidwal para patuloy na makapagbigay ng dekalidad na edukasyon kahit may krisis pangkalusugan.
“My assurance is that my administration will be there for you to give assistance for all your needs so that you can still pursue your education. This is what it means to leave no Viscan left behind,” wika ni Tulin.
Dagdag ni Tulin, inklusibo ang kurikulum ng VSU – bukas pati sa mga mag-aaral na walang gadget, walang internet, at nagdarahop sa badget para bumili ng libro.
Gayunman ay inanunsiyo niyang libre ang mga materyal pampagkatuto at mga printed module sa mga nagnanais utilisahin ang remote offline learning mode.
Inilabas din sa virtual onboarding ang bilang ng mga mag-aaral na nakapag-enroll na para sa pasukan.
Kaiba sa ibang pamantasang bumababa ang enrollment, tumaas pa ng 13 porsiyento ang sa VSU, na katumbas ng 1,500.
Sa katunayan, nasa 13,344 ang dumalo sa naturang online activity buhat sa iba’t ibang satellite campus.
Sa datos, tinatayang nasa 27 porsiyento o 3,600 rito ang nasa kanilang unang taon sa kolehiyo.
Noong Agosto 17 ay naging trending topic pa sa Twitter ang #iloveVSU, pagpapakita ng suporta ng buong komunidad sa hindi napapagal na pangulo ng pamantasan.