EDUKASYON NG MGA NANAY SA SORSOGON PINALAKAS
PINALAKAS ang ugnayan ng mga guro at magulang sa bagong pamamaraan ng pag-aaral sa Buenavista Elementary School sa Sorsogon City sa pamamagitan ng programang tinawag na E.NAY.COM, o ang ‘Education for Nanay in the Community.’
“The main objective of the program is to continue educating the mothers in the community in time of emergencies through alternative delivery mode with the aid of worksheets and other materials and by capacitating parents in different essential learning objectives and strategies,” pahayag ni teacher Rowan Celestra.
Naniniwala si Celestra na mahalaga ang paglinang at pagpapalakas sa kapasidad ng mga magulang upang gabayan ang mga anak sa mga araling nakapaloob sa Most Essential Learning Competencies ngayong panahon ng “new normal.”
“The capacity building includes topics on understanding teaching, MELCS walk through, Strategies for Teaching and Learning, workshop on instructional materials, and dry run of home-based learning using worksheets on week 5-6,” dagdag niya.
Para naman kay Nanay Marilyn Jañolan, na may dalawang anak, mahalaga raw ang kaniyang mga natutunan sa pagsasanay kasama ang iba pang magulang. Mas nabuhayan umano siya ng loob na kahit nasa bahay lang ay matututo pa rin ang mga anak sa kaniyang paggabay at pakikipagtulungan sa guro.
“Bilang magulang, mahalaga po ito sa akin para mas madagdagan ang aking kaalaman at matuto pa ako na i-guide ang aking anak. Hangad ko rin pong matulungan ang iba pang bata dito sa amin kaya isa po akong mother volunteer,” pahayag pa niya.
Mula sa mga nanay na sumali sa capacity building ay pipili naman ng isang ina na magsisilbing lider kada purok. Magdedeklara ng E.NAY.COM Center bawat purok sa tulong ng mga tatay at dito kukuha at magsa-submit ng woksheets sa tulong ng guro at magulang.